BIYAHERO MULA US, PANG-4 NA KASO NG OMICRON SA PH

NAITALA ang pang-apat na kaso ng Omicron variant ng COVID-19 sa Pilipinas.

Ayon sa Department of Health (DOH), isang 38-anyos na babaeng biyahero mula sa Amerika ang apektado ng bagong variant.

Dumating ang biyahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) lulan ng Philippine Airlines flight PR 127 noong Disyembre 10, 2021.

Nakaranas ang pasyente ng pangangati ng lalamunan at sipon ng Disyembre 13.

Sinasabing nagkaroon ng exposure ang pasyente sa kanyang mga kaibigan sa Amerika bago bumiyahe patungong Pilipinas.

Nag-negatibo ito sa kanyang pre-departure PCR swab noong Disyembre 7.

Inilabas na ng facility isolation ang pasyente dahil asymptomatic ito ng Disyembre 24, ngunit nagpositibo sa nakahahawang sakit sa reswab collection date noong Pasko.

Nakasailalim na ang biyahero sa home isolation.