BIYAHERO NG ISDA TIMBOG SA SHABU SA COIN PURSE

BULACAN-ISANG biyahero ng isda sa Navotas ang nadakip ng awtoridad makaraang mahulog sa kanyang coin purse ang isang pakete ng shabu habang isa-isa niyang inilalabas ang laman ng pitaka matapos na dumaan sa police check-point/Oplan Sita sa kahabaan ng Barangay San Roque,Pandi lalawigang ito kamakalawa ng madaling araw.

Base sa report kay P/Col.Rommel J. Ochave, Acting Provincial Director ng Bulacan PNP,nakilala ang naarestong si Sonny Esmabe,negosyante ng isda at nakatira sa Barangay Cacarong Bata, Pandi na nakakulong ngayon at nahaharap sa kasong kriminal matapos makumpiskahan ng droga sa kanyang coin purse.

Sa imbestigasyon ng pulisya, pasado ala-1:00 ng madaling araw nang pahintuin ng Pandi PNP na nagsasagawa ng check-point at Oplan Sita sa Barangay San Roque ng nasabing bayan ang suspek na si Esmabe habang lulan ng kanyang traysikel matapos humango ng isda sa Navotas para ibenta sa nasabing bayan.

Habang isa-isang inilalabas ng suspek ang laman ng kanyang coin purse ay aksidenteng nahulog ang isang pakete ng shabu kaya kaagad itong inaresto ng pulisya at umaming gumagamit siya ng shabu upang hindi antukin sa biyahe dahil humahango ito ng isda sa Navotas at siyang ibinebenta sa bayan ng Pandi at umaming dalawa ang pakete ng shabu na kanyang binili at nagamit na niya ang isang pakete bago bumiyahe ng isda.

Nakakulong ngayon ang suspek at nahaharap sa kasong kriminal at nakatakda din itong ipasailalim sa drug test sa Bulacan Provincial Crime Laboratory sa Malolos. MARIVIC RAGUDOS