NAIS ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) na palawigin ng pamahalaan ang bisa ng COVID-19 pandemic tax relief measures hanggang sa katapusan ng taon dahil hindi pa lubusang nakababawi ang mga negosyo mula sa economic impact ng health crisis.
Ang PCCI ang pinakamalaking business organization sa bansa.
Ayon kay PCCI president Gorge Barcelon, karamihan sa mga negosyo sa kasagsagan ng pandemya ay hindi ganap na na-enjoy ang tax cuts dahil karamihan sa kanila ay nasa strict quarantine at hindi makapagnegosyo.
Partikular dito ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act, na isinabatas noong March 2021, at nagkaloob ng tax cuts sa mga negosyo na naapektuhan sa kasagsagan ng pandemya noong 2020.
Kabilang sa tax relief measures ang pagkakaloob ng 1% buwis para sa non-value added tax (VAT) taxpayers hanggang June 30, 2023. Babalik ito sa original rate nito na 3% simula July 1, 2023.
Ang minimum corporate income tax ay babalik din sa 2% mula 1%, habang ang buwis para sa non-profit and proprietary educational institutions and hospitals ay babalik sa orihinal nito na 10% rate mula 1%.
Binigyang-diin ng PCCI chief na sa nakalipas na dalawang taon ay maraming kompanya ang bumaba ang kita habang ang iba ay tuluyang nalugi.
“The feedback that I had been getting was that in the one and a half years when the law became effective, it was not taken advantage of and those deductions have not been maximized,” ani Barcelon.
Bukod sa tax reliefs ay binabaan din ng CREATE law ang corporate income tax (CIT).
Ang CIT ay ibinaba sa 25% mula 30% simula July 1, 2021, na sinundan ng one-percentage- point cut taon-taon mula 2023 hanggang umabot sa 20% sa 2027.