ISANG magandang pamasko para sa sambayanang Pilipino ang ginawang pagbawi ng Insurance Commission (IC) sa nauna nitong direktiba na pagtataas sa minimum rate ng tinatawag na catastrophe insurance o insurance coverage mula sa mga bagyo, pagbaha at lindol.
Ito ang sinabi ni AGRI party-list Rep. Wilbert T. Lee, na kasama ang iba’t ibang business organizations ay nagpahayag ng pasasalamat at kagalakan sa nasabing aksiyon ng IC.
“We welcome this positive development to suspend the implementation of the hike in catastrophe insurance premium rates, preventing a looming disaster on the welfare of the general public,” sabi pa ng kongresista.
“Without prejudice to our continued efforts to probe the crux of this issue, we are grateful for the cooperation of all parties and stakeholders on this matter,” dagdag ng mambabatas mula sa Sorsogon.
Nabatid kay Lee na nitong nakaraang Disyembre 22, nagpalabas ang IC ng Circular Letter (CL) No. 2022-54, na nagkakansela sa nauna nitong IC CL No. 2022-34 kung saan pinapayagan ang minimum rate hike sa catastrophe risk premiums.
Pagbibigay-diin ng IC sa CL N0. 2022-54, kinakailangan munang matalakay ang iba’t ibang panig patungkol sa revised schedule ng minimum catastrophe rates, base sa itinatakda ng IC CL No. 2022-34, at batid din, aniya, nito ang magiging epekto sa policy holders kung kaya hindi na muna ipatutupad ang huling letter circular.
Matatandaang matapos ipalabas ng IC ang CL No. 2022-34 ay agad na kinalampag ni Lee, kasama ang business groups at private firms, na kinabibilangan ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), Employers Confederation of the Philippines (ECOP), PHILEXPORT, Philippine Franchise Association (PFA) at iba pa, ang nasabing ahensiya.
Paggigiit ng AGRI party-list solon at biz groups, may ‘domino effect’, kabilang na ang pagtataas sa presyo ng mga pangunahing produkto at serbisyo kapag dinagdagan ang bayarin sa catastrophe o non-life insurance, na panibagong pahirap sa pang-araw-araw na buhay ng mamamayang Pilipino.
Samantala, sinabi ni Lee na sa kabila ng naging desisyon na ito ng IC na pagpapaliban sa rate hike ng naturang insurance premium, pursigido pa rin siya sa inihain niyang House Resolution No. 632, na nanawagan sa liderato ng Kamara para magpatawag ng legislative inquiry hinggil sa isyung ito.
“Hindi po natatapos dito ang pagsisiyasat natin. Patuloy po nating pag-aaralan at babantayan ang isyung ito. We will continue to champion the best interests of all Filipinos,” dagdag pa ng kongresista.
ROMER R. BUTUYAN