BIZMEN ‘DI LALAYAS SA PINAS

senate president vicente sotto

MATAPOS makipagpulong sa economic managers, kumbinsido si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na hindi lalayas ang mga negosyante o ang mga korporasyon sa bansa sa panukalang Tax Reform for Acceleration and Inclusion package 2 o TRAIN 2.

Ayon kay Sotto, malabong mangyari ang mga haka-haka na maraming mawawalan ng trabaho sa bansa sa Train 2 dahil mag-aalisan ang mga negosyante at lilipat sa karatig-bansa sa Asya.

Sa pagpapaliwanag ng economic managers, sinabi ni Sotto na makikinabang din ang Small and Medium Enterprises (SMEs) sa Train 2 kung saan 65% ang naiaambag nito sa ekonomiya ng bansa.

Dahil dito, tinuran ng pinuno ng Senado na maghahain siya ng resolusyon para sa pagtalakay sa Train 2.

Ani Sotto, naipaliwanag na nang maayos ng Department of Finance (DOF) na hindi maaapektuhan ang mahihirap dahil malalaking negosyo lang ang puntiryang ­singilin ng malaking buwis.

Aniya, ilan sa kanyang nagustuhan sa nilalaman ng panukalang TRAIN 2 ang pagbibigay ng tulong sa mga maliliit na negosyo at ang pagsasaayos sa maraming tax incentives na ibinibigay sa mga korporasyon sa bansa.

Ikinagalak naman ng Palasyo ang naging pahayag ni Sotto.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, matapos ang naging pahayag ng lider ng Senado ay malaki ang kanilang kumpiyansa na sasang-ayon na rin ang iba pang mambabatas sa ikalawang bugso ng TRAIN.   VICKY CERVALES

Comments are closed.