LUMAGDA ang mga negosyanteng kasapi ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) ng Makati at mga opisyal ng National Commission of Muslim Filipinos (NCMF) sa isang Memorandum of Agreement (MOA) na naglalayong maging isa sa ‘hub’ ng mga produktong halal ng Muslim communities ang siyudad.
Ang halal ay isang salitang Arabe na may kahulugang “pinapayagan” sa wikang Tagalog. Sa Koran, sinasalungat ang salitang halal sa haram o ipinagbabawal. Ang halal na pagkain ay nangangahulugang pagkain na nakuha ayon sa nakasaad sa paniniwala ng Islam.
Upang maging halal ang isang pagkain, kailangang ilapat ang ilang mahigpit na alituntunin sa mga produktong hayop. Halimbawa, ang alkohol ay hindi halal ayon sa paniniwala ng Islam. Samakatuwid, ang anumang pagkain na naglalaman ng alkohol ay hindi halal.
Bilang karagdagan, ang mga produktong karne na nakuha mula sa mga bangkay ng hayop, mga produktong karne na nakuha mula sa maliliit at bovine na hayop na hindi pinatay alinsunod sa mga pamamaraang Islamiko, at ang mga produktong baboy ay hindi halal na pagkain.
Ang naturang lagdaan ay isinagawa sa pagitan ng mga newly inducted officers ng PCCI-Makati na pinamumunuan ng bagong pangulo nitong si Engr. Nunnatus Cortez at ng mga opisyal ng NCMF sa pamumuno ni Commissioner Datu Ras. S. Lidasan Jr., sa Ist General Membership Meeting and Installation of Officers and Board of Trustees nito para sa taong 2024-2026 sa Makati Diamond Residences sa Makati noong nakaraang Pebrero 1.
“We have to revitalize our country’s economic growth, pursue business excellence as a catalyst for innovation,”sabi ni Rafaelito Solangon sa kanyang Valedictory Address bilang PCCI-Makati outgoing president.
“Halal hub’s mission is to bridge cultures, that transcends boundaries, foods, churches, restaurants and other initiatives,” sabi ni Solangon.
Ayon kay Alegria Sibal-Limjoco, Vice President ng PCCI Regional Affairs, ibig nilang maging bahagi sa pagsasakatuparan ng Muslim sector na maging Halal friendly tourism ang lungsod.
Sinabi naman ni Ruby Banares-Victorino,Vice President,PCCI-Makati na ang pagsusulong ng produkto ng Muslim-Fililpinos ay isang inisyatibo na napapanahon dahil sa dumadaming bilang ng consumers na tumatangkilik dito.
“We seek for promotion of Philippine Halal, to promote linkages and strengthen its distribution. PCCI-Makati will collaborate with stakeholders with plans for Halal hub establishments,” ani Banares.
Ma. Luisa Macabuhay-Garcia