InsuranceNAKIISA na rin ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), Employers Confederation of the Philippines (ECOP), at Philippine Exporters Confederation, Inc.(PHILEXPORT) sa mga nananawagan sa Insurance Commission (IC) na isantabi muna ang nakatakdang pagtataas sa minimum rate ng mga tinatawag na ‘catastrophe insurance coverage’.
Ayon kay PCCI President George Barcelon, sinusuportahan nila ang naunang naging hakbang ni ranking House minority bloc member at AGRI party-list Rep. Wilbert T. Lee na paghimok sa IC na bawiin ang ipinalabas ng ahensiya na Circular Letter No. 2022-34, na epektibo sa Enero 1, 2023 na nagtatakda ng premium rate hikes sa ‘non-life insurance’.
“We concur [with Cong. Lee]. We hope that our Congress would really take this into heart and hold this in abeyance in view of the challenges in the small businesses. I would like to support his statement as far as this [increase] has to be really looked into carefully,” sabi ng PCCI head.
Sa panig naman ni ECOP at PHILEXPORT Chairman Sergio Ortiz-Luis, binigyang-diin niya na kailangang patunayan muna ng IC na talagang kailangan ang naturang insurance premium increase at sinegundahan din niya si Congressman Lee sa pagsasabing ang dagdag-bayarin sa insurance ay magreresulta sa pagtaas sa presyo ng mga bilihin at isa na naman itong dagdag pasanin sa sambayanang Pilipino.
Nitong nakaraang linggo ay inihain ng AGRI party-list lawmaker ang House Resolution No. 632, na humihiling sa liderato ng Kamara na magsagawa ng kaukulang imbestigasyon hinggil sa hindi umano napapanahon na minimum catastrophe insurance rate adjustment.
“Domino effect po ito. Siguradong tataas ang presyo ng mga pagkain, dahil sa production pa lang, sa storage, sa mga makina, pagdating sa distribution center, hanggang sa retail, lahat ay apektado ng pagtaas ng insurance premium na ito dahil halos lahat po ay kumukuha na ng insurance,” ang babala ni Lee.
“Kanino po ito ipapasa ng mga kompanya kundi sa mga consumers. Panibagong pagtaas na naman po ito sa presyo ng mga bilihin. Kawawa na naman ang taumbayan dito. Kaya tayo po ay nananawagan sa ating Commissioner ng Insurance Commission na itigil ang implementasyon ng kanilang circular dahil wrong timing na wrong timing po ito,” dagdag pa niya.
ROMER R. BUTUYAN