PINURI ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) – National Capital Region (NCR) bunga ng pagsasagawa nito ng sorpresang drug test sa mga opisyal at warden nito upang paigtingin ang kanilang internal cleansing campaign.
Ipinahayag ni DILG Secretary Eduardo M. Año na ang nasabing regional office ng BJMP ay “nagpapamalas ng magandang halimbawa sa pagpapaigting at pagpapatuloy ng laban kontra sa droga na agenda ng pamahalaan.”
Hinihikayat din nito ang lahat ng mga jail bureau sa buong bansa na ito ay gayahin.
At upang tiyakin na talagang biglaan ang nasabing drug test at lahat ng mga kawani at pinuno ay sumailalim nito, iniutos ni BJMP-NCR Re-gional Director Chief Supt. Ignacio Panti na ito ay isagawa sa buwanang pagpupulong ng mga warden na ginanap sa BJMP-NCR Headquarters sa Quezon City.
May kabuuang 63 mga pinuno at mga warden ang sumailalim sa test na isinagawa ng Laboratory Service Examination Division ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
“Ang pagkalat ng mga iligal na droga at mga kontrabando sa loob ng mga piitan sa Metro Manila ay isang isyu na nangangailangan ng hindi palulupig at matibay na pamumuno ng jail bureau. Ang pagsasagawa ng biglaang drug test ay nagpapatunay sa integridad ng bawat pinuno at warden ng BJMP-NCR sa hangaring ito,” pahayag ni Año.
Dagdag pa nito, na maging ang mga jail personnel ay isasailalim din sa drug testing ng BJMP-NCR upang tiyakin na ang mga pasilidad ay 100 porsiyentong malinis sa ipinagbabawal na droga.
Ipinaliwanag ni Año na para madeklarang drug-free ang isang jail facility, kailangan nitong makasunod sa pamantayan at pangangailangan na itinakda ng mga ahensya tulad ng PDEA at Philippine National Police (PNP).
Ayon sa BJMP, ang pagsasagawa ng random drug test sa mga bilanggo at mga kawani, jail-based intervention program sa ilegal na droga at ang kawalan ng anumang paraphernalia ng ilegal na droga sa pasilidad ay ilan lamang sa mga batayan na ginagamit upang ideklara ang isang jail facility na drug-free.
Ibinunyag din ni Año na mayroong memorandum of agreement sa pagitan ng PDEA at BJMP na napirmahan para sa pagsasagawa ng regular na mga drug-clearing operation sa lahat ng mga bilangguang panlungsod at pambayan sa bansa.
Binanggit din niya na ang BJMP-NCR, sa pangunguna ni Chief Supt. Panti, ay regular na nagsasagawa ng “Oplan Greyhound.”
Nagpaalala rin ang DILG Chief sa mga jail warden at pinuno ng lahat ng regional offices ng BJMP na pangunahan ang paglilinis ng kanilang jail facilities upang maiwasan na magkasakit ng dengue o iba pang karamdaman ang mga Persons Deprived of Liberty o PDLs.
Idinagdag niya na ang DILG ay tunay na nakatuon sa repormasyon ng pamamahala sa jail bureau. Noong Lunes, nilagdaan at inilabas ng DILG at Department of Justice ang Revised Implementing Rules and Regulations ng Republic Act 10592 o ang Good Conduct Time Allowance Law. PAULA ANTOLIN
Comments are closed.