HINIKAYAT ni Manila Mayor Honey Lacuna ang mga deboto ng Itim na Nazareno na mahigpit na sundin ang itinakdang alituntunin ng Simbahan at ng Philippine National Police upang maiwasan ang anumang balakid at matiyak ang kaligtasan ng mga partisipante sa taunang ‘Traslacion’ na inaasahang dadaluhan ng milyong katao.
Sa isang pahayag, nanawagan din si Lacuna, sa mga lalahok sa ‘Traslacion’ na huwag ng magdala ng mga bata at mga may kapansanan upang maiiwas ang mga ito sa posibleng kapahamakan.
Ang prusisyon ang siyang pinakatampok sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Itim na Nazareno tuwing January 9.
Pinayuhan din ng lady mayor ang mga nagtatangkang dumalo na huwag ng magsuot ng mga alahas o magdala ng mga ipinagbabawal na bagay.
Higit sa lahat, ipinanawagan ni Lacuna sa mga deboto na tiyakin na sila ay hindi nakainom kapag sila ay sumama sa prusisyon dahil posibleng makalikha sila ng panganib sa kanilang sarili at sa kanilang kapwa.
Tiniyak na ang pamahalaang lokal ay ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya upang masiguro ang kaligtasan ng mga lalahok sa ‘Traslacion’.
Binigyang direktiba na rin ng alkalde ang lahat ng kinauukulang sangay ng lokal na pamahalaan na gawin ang bahagi ng kanilang trabaho at ibinahagi rin na iniulat na ni City Engineer Moises Alcantara na nagsagawa na sila ng pag-iikot upang tingnan kung may mga nakalaylay na kable ng koryente at bukas na manhole sa daraanan ng prusisyon dahil inaasahan din na marami sa mga lalahok ang mga nakayapak.
Mayroon ding mga medical teams na naka-standby para tumugon sa medical cases.
VERLIN RUIZ