BLANKLEY, POWELL PINAGMULTA NG PBA

PINAGMULTA ng PBA sina Bay Area Dragons guard Hayden Blankley at reserve import Myles Powell dahil sa kanilang mga komento sa officiating sa Game 3 ng PBA Commissioner’s Cup finals.

Si Blankley ay pinatawan ng multang P75,000 habang si Powell ay pinagbabayad ng P100,000.

Ang dalawang players ay ipinatawag ni PBA commissioner Willie Marcial nitong Huwebes makaraang mag-post si Blankley sa kanyang Instagram Story, na inalis na ngayon, ng pagbatikos sa officiating sa Game 3 at inilarawan ito na “luto.”

Samantala, sa isang Twitter post ay pinuna naman ni Powell ang mga referee para sa free throw discrepancy sa pagitan ng Bay Area at ng Barangay Ginebra.

Ang Dragons, isang guest team na naka-base sa Hong Kong, ay natalo sa kabila na lumamang ng hanggang 14 points sa Game 3 noong Miyerkoles sa Mall of Asia (MOA) Arena sa Pasay City upang makuha ng Ginebra ang 2-1 bentahe sa serye.

Sinabi ni Marcial na sa kanilang pagpupulong ay humingi ng paumanhin sina Blankley at Powell sa kanilang ikinilos.