BLAZERS BABAWI; 3RD WIN TARGET NG LIONS, ALTAS

Standings W L
Benilde 3 1
LPU 3 1
Letran 2 1
Arellano 3 2
San Beda 2 2
SSC-R 2 2
JRU 2 2
Perpetual 2 2
Mapua 1 3
EAC 0 4

Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)
12 noon – JRU vs Benilde
3 p.m. – San Beda vs Perpetual

SISIKAPIN ng College of Saint Benilde na maibalik ang kanilang winning ways kontra Jose Rizal University, habang magsasalpukan ang San Beda at University of Perpetual Help System Dalta sa kapana-panabik na doubleheader sa NCAA men’s basketball tournament ngayong Linggo sa Filoil EcoOil Centre.

Maghaharap ang Blazers at Bombers sa alas-12 ng tanghali, na susundan ng Red Lions-Altas sa alas-3 ng hapon.

May 3-1 record kasama ang co-leader Lyceum of the Philippines University, ang Benilde ay angat lamang ng isanc laro sa joint fifth placers JRU, San Beda, Perpetual at walang larong San Sebastian, na pawang may 2-2 marka.

Makaraang mainit na simulan ang torneo, nalasap ng Blazers ang unang kabiguan sa season.

Naitala ng Benilde ang lowest scoring output nito sa season sa 75-81 loss sa defending champion Letran noong Biyernes.

Ang Blazers ay nag-iingat sa Bombers, na nanalo ng dalawang sunod matapos ang back-to-back defeats, kabilang ang overtime heartbreak sa Knights.

Sumandal sa clutch triple ni Ry dela Rosa, naungusan ng JRU ang Arellano, 70-67, noong nakaraang Miyerkoles.

Nalampasan na ang kanilang one-win output noong nakaraang season, batid ni coach Louie Gonzalez na may ipakikita pa ang Bombers para maging kontender sa Final Four.

“We are unconscious about it. For us, ang gusto lang is to get better as the season progresses na alam ko kulang pa kami sa kondisyon, hindi pa buo ang rotation namin. Alam ko may madi-dig deep sa mga players ko,” sabi ni Gonzalez.

Ang Lions at Altas ay galing sa morale-boosting victories papasok sa kanilang match-up.

Naitakas ng San Beda ang 78-71 panalo kontra San Sebastian noong nakaraang Miyerkoles, habang naungusan ng Perpetual ang Mapua, 79-77, upang putulin ang two-game slide noong nakaraang Biyernes.