BLAZERS ITATAYA ANG LIDERATO VS CHIEFS

Standings W L
Benilde 6 1
Mapua 6 2
Letran 5 3
San Beda 4 3
LPU 4 4
Perpetual 4 4
EAC 3 4
JRU 2 5
Arellano 2 6
SSC-R 2 6

Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)
12 n.n. – CSB vs Arellano
2:30 p.m. – Jose Rizal vs EAC

ITATAYA ng College of St. Benilde ang liderato sa pagharap sa Arellano University sa NCAA men’s basketball tournament ngayong Biyernes sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Nakatakda ang salpukan ng Blazers at Chiefs sa alas-12 ng tanghali.

Nasa two-game winning run ang Blazers makaraang madungisan ang 4-0 kartada, habang galing ang Chiefs sa 71-77 pagkatalo sa Mapua.

Tangan ng St. Benilde ang liderato na may 6-1 record, kasunod ang Mapua (6-2), Letran (5-3), defending champion San Beda (4-3), Lyceum (4-4), Perpetual (4-4), EAC (3-4), Jose Rizal (2-5), Arellano (2-6) at San Sebastian (2-6).

Sa ikalawang laro sa alas-2:30 ng hapon ay puntirya ng Emilio Aguinaldo College ang ikalawang sunod na panalo sa pagsagupa sa Jose Rizal University.

Ang Generals ay galing sa kapana-panabik na 90-88 panalo laban sa Pirates sa likod ng dalawang krusyal na free throws ni King Gurtiza sa huling 6.7 segundo.

“Morale booster ‘yung panalo para sa amin kasi big win kasi ‘yung LPU mas mataas sa amin sa standings. Mas madadagdagan ‘yung kumpiyansa namin dahil aangat kami sa standings,” ani Gurtiza.

Sisikapin naman ng Heavy Bombers na makabangon mula sa 81-88 kabiguan sa Cardinals sa huli nilang laro.

Batid ni EAC head coach Jerson Cabiltes ang pagiging unpredictable ng kasalukuyang season at sinabing mahalaga ang lahat ng laro.

“Unpredictable season so hindi mo masasabi kung sino’ng mananalo nanalo. Against JRU, we need to be ready kasi a win will bring you up, a loss will bring you down. Every game is vital so we’re gonna treat it as a playoff game, each and every game,” sabi ni Cabiltes.