BLAZERS PALALAKASIN ANG KAMPANYA SA TWICE-TO-BEAT BONUS

Standings W L
*Letran 12 4
*Benilde 11 4
*LPU 12 5
*San Beda 11 5
Arellano 7 9
Perpetual 7 10
SSC-R 6 9
JRU 6 10
Mapua 6 10
EAC 2 14
*Final Four

Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)
12 noon – Perpetual vs SSC-R
3 p.m. – Benilde vs LPU

HINDI sapat na nawakasan ang 20-year Final Four drought, nais ng College of Saint Benilde na mas malayo pa ang marating sa NCAA men’s basketball tournament.

“We had to earn it and I’m happy, but the job’s not done,” pahayag ni Blazers coach Charles Tiu. “Right now, I’ll be honest, we want to target the top two spots if we can get it. Alam naman natin ‘yung advantage na iyun.”

Palalakasin ng Benilde ang kanilang kampanya para sa twice-to-beat incentive sa Final Four sa pagsagupa sa Lyceum of the Philippines University sa alas-3 ng hapon ngayon sa Filoil EcoOil Centre.

Ang Blazers-Pirates match ay may malaking implikasyon sa karera para sa top two slots sa semifinals – na may isang laro na naghihiwalay sa apat na koponan.

Nananatili ang defending champion Letran sa ibabaw ng standings na may 12-4 record, kalahating laro lamang ang angat sa Benilde, na may 11-4 kartada.

Ang LPU, ang unang koponan na nakakumpleto ng kanilang assignments sa double-round eliminations, ay may 12-5 marka, habang ang San Beda ay may 11-5.

Habang naghahanda ang Pirates para sa kanilang pagbabalik sa Final Four matapos ang isang season na pagliban, sinabi ni coach Gilbert Malabanan na mahalaga ang kontribusyon mula sa ibang players, lalo na ngayong ilang laro na lamang sila mula sa pinaka-krusyal na bahagi ng torneo.

“Honestly speaking, kakailanganin ko sila when it comes to playoffs eh and these remaining games namin mas matitindi ‘yung kalaban namin and hindi naman puwedeng si Renzo (Navarro) ang maglalaro ng 40 minutes,” sabi ni Malabanan.

Si Navarro ay nagbabalik matapos lumiban sa 79-62 panalo ng Lyceum kontra Jose Rizal University dahil sa one-game suspension.

Naghahanda ang Pirates para sa full strength Blazers, kung saan nagbabalik sina Mark Sangco at Chris Flores mula sa two-game bans dahil sa kanilang pagkakasangkot sa pagwawala ni John Amores na nagresulta sa pagsuspinde indefinitely ng liga sa Bombers guard.

Sa unang laro sa alas-12 ng tanghali ay magsasagupa ang University of Perpetual Help System Dalta at San Sebastian.