BLAZERS VS BOMBERS

NCAA-3

Mga laro ngayon:

(Filoil Flying V Centre)

2 p.m. – CSB vs JRU (Men)

4 p.m. – AU vs MU (Men)

SISIKAPIN ng College of Saint Benilde na matikas na tapusin ang season sa pagwawagi sa kanilang huling dalawang laro, kabilang ang duelo nito sa Jose Rizal University sa NCAA basketball tournament ngayon sa Filoil Flying V Centre.

Wala nang saysay ang 2 p.m. showdown, su­balit gagawin pa rin ng Blazers ang lahat para manalo upang makalapit sa pagtamo sa unang winning record magmula noong 2014.

Nasibak ang St. Benilde sa Final Four race makaraang yumuko sa Lyceum of the Philippines University, 64-77, noong nakaraang Huwebes.

Ang Blazers (8-8), nagtala ng dalawang panalo lamang sa second round, ay hindi nakalusot sa elimination round sa ika-16 sunod na taon.

Isa itong nakapanlulumong kampanya para sa St. Benilde dahil sinimulan nila ang kanilang first round campaign na kasalo ang Letran sa ika-4 na puwesto na may 6-3 kartada.

Ang huling pagkakataon na nagtapos ang St. Benilde sa ibabaw ng .500 mark ay noong 2014 na may 11-7 rekord subalit pumanlima lamang.

Umaasa naman si coach Vergel Meneses na mainit na tutuldukan ng Bombers ang kanilang season at makabuo ng momentum para sa susunod na taon.

Ang JRU, galing sa 81-78 panalo laban sa Emilio Aguinaldo College,  ay may 3-14 marka sa ilalim ng standings.

Sa isa pang non-bearing game sa alas-4 ng hapon ay magsasagupa ang Arellano University (5-11) at Mapua (5-12).

Comments are closed.