BLINDNESS PREVENTION PROGRAM INILUNSAD

INILUNSAD ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas ang blindness prevention program na magbibigay ng libreng operasyon ng katarata (cataract) para sa mga may hawak ng “green card” na residente sa lungsod.

Ayon kay Dr. Jeffrey Evaristo Junio, city program manager ng blindness prevention drive na ang unang nagiging dahilan na maaaring maiwasan ang pagkabulag ay ang pagkakaroon ng katarata.

Sinabi ni Junio na ang mga residente na may mga hawak na green cards at nais sumailalim sa operasyon ng katarata ay maaaring bumisita sa barangay health centers na malapit sa kani-kanilang mga lugar para sa screening at nararapat na impormasyon.

Ang libreng operas­yon ng katarata ay sinimulan noong taong 2001 sa Las Pinas Lying-in Clinic kung saan hinihiyakat ang mga residente na mag-avail ng “green card” sa lungsod na isang programang pangkalusugan ng lokal na pamahalaan kung saan makakukuha ng halagang P30,000 na suporta ang mga pasyente na residenteng mako-confine sa kanilang pagkaka-ospital.

Nakipag-partner na rin ang lokal na pamahalaan sa mga pribadong ospital upang mabigyan ang mga residente ng may kalidad na serbisyong pangkalusugan. MARIVIC FERNANDEZ