BLOOD DONORS PINURI NI HEALTH SEC. DUQUE

LUNGSOD NG MALOLOS – Puro magagandang salita at papuri ang namutawi sa bibig ni Department of Health Secretary Francisco Duque para sa mga blood donor at tinawag ang mga ito na mga tagasagip ng buhay sa ginanap na Blood Galloners Awarding Ceremony sa The Pavilion sa Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito kamakailan.

Sa temang “Be there for someone else. Save life. Give blood”, kinilala ni Duque ang hindi matatawarang kontribusyon ng mga blood donor gayundin ang kahalagahan ng pagbibigay ng dugo upang makasagip ng buhay.

Pinuri rin niya ang Bulacan Provincial Blood Center dahil sa pagseserbisyo nito sa mga Bulakenyo sa loob ng 24/7 at ang kakayahan nitong makapag-suplay ng malinis at ligtas na dugo para sa mga Bulakenyo.

Inihalintulad naman ni Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado ang dugo sa mahahalagang pangyayari at inilahad kung paano ito nakaaapekto sa buhay ng mga mamamayan.

“Ang dugo ay kalayaan, dahil hindi mabilang na Filipino ang nag-alay nito upang makamit ang kalayaang matagal nating ipinaglaban, dugo rin ang ibinuhos at ibinahagi ng ating Panginoon upang tubusin ang ating mga kasalanan. Ngayon nama’y muli natin itong pinaaagos upang pagningasin ang alab ng buhay na nananamlay sanhi ng karamdaman,” ani Alvarado.

Samantala, pinarangalan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Bulacan Blood Council ang Top 3 Provincial Voluntary Blood Donation Program Achievers kabilang ang Plaridel sa pamamagitan ni Mayor Jocel Aimee Vistan-Casaje, San Ildefonso sa pamamagitan ni Mayor Carla G. Tan at Lungsod ng San Jose del Monte sa pamamagitan ni Mayor Arturo Robes. Kinilala rin ang tatlo bilang Blood Partner Awardees by the Province of Bulacan.

Para naman sa Top 3 Local Government Units with High Numbers of Mobile Blood Donation na isinagawa ng Bulacan Provincial Blood Center, kinilala ang mga bayan ng Plaridel, Marilao at ang Lungsod ng San Jose del Monte.

Pinarangalan din ang Vice Governor’s Office at Damayang Filipino Foundation, Holy Spirit Academy ng Malolos at Pamahalaang Bayan ng Santa Maria bilang Top 3 Largest Blood Donation in a Single Collection samantalang ang Bulacan State University, Ang Dating Daan-Bulacan at Fisher Farm naman ang kinilala bilang Top 3 Partners with High Numbers of MBD conducted.

Bukod dito, 156 na Blood Galloners ang kinilala dahil sa pag-donate ng dugo ng may siyam hanggang 10 beses na habang 11 na mga bronze blood awardee naman ang kinilala dahil sa pag-donate ng dugo ng may 25 beses na.

“Alam ko na sa bawat dugo na ibinahagi ko, may buhay akong nailigtas, kaya hanggang kayo ko, hang-gang puwede ako, magdo-donate ako,” ani Florencia Pahati, isa sa mga bronze blood awardee, bilang sagot sa tanong kung bakit siya nagbabahagi ng kanyang dugo.    ARIEL BORLONGAN

Comments are closed.