BLOOD RELIC NI ST. JOHN PAUL II MASISILAYAN MULI

MAY pagkakataon na muli ang mga deboto na masilayan ang blood relic ni Saint John Paul II, na nasa pangangalaga ng Manila Cathedral.

Ito’y matapos na buksan nang muli ng pamunuan ng Manila Cathedral sa public veneration ang naturang relic simula ika-6 ng umaga kahapon.

Nabatid na maaaaring masilayan ang relic hanggang ika-8 ng gabi bukas, Pentecost Sunday, Mayo 20.

Ngayong araw naman, Sabado, ang public veneration ay sisimulan ng ika-8 ng umaga matapos ang idaraos na “Mass for Life” ni Fr. Joel Jason ng Archdiocesan Ministry for Family and Life.

Ayon kay Fr. Regie Malicdem, rector ng Manila Cathedral, nagpasya silang ipakita muli sa publiko ang relic dahil sa natanggap nilang maraming kahilingan mula sa mga deboto na nabigong masilayan ito nang buksan sa publiko noong nakaraang buwan.

“We also promised that there will be a frequent public exposition of the blood relic at the cathedral so that many people may be able to venerate,” ayon pa kay Malicdem.

Pinaplano na rin nila na dalhin ang relic sa mga parokya ng Manila archdiocese simula sa susunod na taon, na Year of the Youth.

Si Saint John Paul II ang ikatlong longest-serving pontiff sa kasaysayan at kilala sa kanyang malalim na pagmamahal at compassion para sa mga kabataan.

Dumating ang kanyang relic sa Maynila noong December 2017 bilang regalo sa 60th anniversary ng muling pagkatatag ng Manila Cathedral matapos ang World War II, mula kay Cardinal Stanislaus Dziwisz, na dating kalihim ni Saint John Paul II.

“Let us once again come together and receive God’s grace through the intercession of our beloved St. John Paul II,” panawagan naman ni Malicdem sa mga debotong nais makasilay sa relic. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.