BLU BOYS BOKYA SA MEN’S SOFTBALL WORLD CUP

TINAPOS ng Blu Boys ang kanilang kampanya sa Men’s Softball World Cup na walang panalo makaraang yumuko sa host New Zealand, 1-8, sa kanilang huling laro sa Rosedale Park sa Auckland.

Napakasaklap ng pagkatalo ng mga Pinoy na lumamang sa 1-0 sa run scoring double ni third baseman Michael Pagkalinawan sa top of the first inning.

Gumanap na bayani si Rellie Makeas na naka- homerun sa bottom ng first frame para maitabla ang iskor sa 1-1.

Pumalo si Makea ng game-clinching three- run homerun sa left field, boarding home Cole Evans at Ben Enoka.

Uuwi ang Blu Boys na walang panalo sa lungkot ni softball president John Henri Lhuillier, na sumama sa team para pataasin ang morale at fighting spirit ng mga Pinoy.

Sa nilaro ng Blu Boys ay muling nalantad ang level ng kanilang performance na mababa sa world level competition.

Natalo ang mga Pinoy sa Team USA, defending champion Argentina, Cuba at Czech Republic bago yumuko sa New Zealand.

Kulang sa foreign exposure at walang nilahukang local tournaments maliban sa national softball ang sinasabing dahilan kaya hindi nakasabay ang mga Pinoy sa mga world-class na koponan na sumabak sa nasabing kumpetisyon.

Ang paglahok ng Blu Boys sa prestihiyosong torneo ay ginastusan ng Philippine Sports Commission at sinuportahan ng Philippine Olympic Committee.

CLYDE MARIANO