HABANG nakikipaglaban ang Blu Girls sa Asia Cup Women’s Softball qualifying sa Indonesia, makikipagsabayan din ang Blu Boys sa mga bigating kalaban mula sa iba’t ibang panig sa mundo sa World Men’s Softball sa susunod na buwan sa Prague, Czech Republic.
Ang koponan ay pinalakas ng limang equally talented at veteran internationalist pitchers na sina Leo Barredo, Marlon Pagkaliwagan, EJ Sariemento, George Marquez, at Reagan Pareca, at hinasa ni pitching coach Mars Sta Maria at gagabayan ni coach Willie Estipular.
Sina Pagkaliwagan, Sarmiento, Marquez at Pareca ay right handers at si Barredo lamang ang kaliwete sa limang pitching staff.
Labing anim na mga bansa na hinati sa dalawang grupo ang kalahok sa torneo na may basbas ng International Softball Association.
Nasa Group A ang Pinas kasama ang host Czech Republic, Japan, Argentina, Mexico, Botswana, Cuba, New Zealand at Cuba. Ang mga bansang nasa Group B ay ang United States, Canada, Venezuela, South Africa, Netherlands, Denmark, Singapore at Australia.
Ang Pinas, Japan at Singapore ang tanging tatlong bansa sa Asia na nakapasok sa prestihiyosong torneo matapos na makapasa sa qualifying competition na ginanap sa Indonesia matapos ang Asian Games.
Sinabi ni Estipular na handang-handa at mataas ang morale at physically and mentally fit ang kanyang mga bataan.
“Nakaharap na natin ang iba sa kanila sa nagdaang tournaments at kabisado at alam na natin ang kanilang laro. Madali tayong makapag-adjust sa pitchers na ating gagamitin. Alam mo naman ang pitcher ang buhay at tagumpay sa torneo kaya kinuha natin ang limang pinakamagagaling na pitchers,” ani Estipular.
Ang pinakamagandang performance ng Pinas sa World Softball ay fourth place finish noong 1968 sa Oklahoma, United States kasama si soft-ball/baseball legend Filomeno ‘Boy’ Codinera, ama ni dating PBA star Jerry Codinera.
Magugunitang tinalo ng Pinas ang Japan, 1-0, sa perfect game ni Felino Francisco noong 1990 matapos na pumang-anim sa torneo noong 1989 sa Saskatchewan, Canada.
Inamin ni Estipular na mahirap ang kanilang title campaign dahil lahat ng magagaling na koponan sa mundo ay kasali subalit nananatiling kumpiyansa ang dating World Softball at Asian Softball veteran na malulusutan ng mga Pinoy ang matinding pagsubok.
“May tiwala ako sa kanila, kaya nilang malampasan ang lahat na pagsubok. May laban tayo at ang limang pitchers natin malalakas at lahat vet-erans,” sabi ni Estipular.
Ang kampanya ng Blu Boys ay suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni Chairman William Ramirez bilang paghahanda sa 30th Southeast Asian Games na gaganapin sa bansa sa Disyembre. CLYDE MARIANO
Comments are closed.