YUMUKO ang Philippine national women’s softball team sa Canada, 0-5, sa kanilang opening game sa group stage ng Women’s Softball World Cup Sabado ng gabi (Philippine time) sa Italy.
Ang dalawang koponan ay tabla sa dalawang innings hanggang sa humataw ang Canada ng tatlong runs sa bottom ng third inning.
Kumana si Janet Leung ng isang home run sa deep left center, kasama sina Emma Entzminger sa third base at Kelsey Harshman sa second base.
Bumanat si Entzminger ng isa pang home run sa bottom ng fourth inning, na nag-udyok sa Pilipinas na magpalit ng pitchers.
Subalit sadyang malakas ang Canada para sa Blu Girls kung saan umiskor si Leung ng isa pang run sa fifth inning.
Ang Blu Girls ay nasa Group C, kasama ang Canada, Italy, Japan, New Zealand, at Venezuela.
Ang top two teams ay uusad sa Group C finals, habang ang mga koponan na tumapos sa third at fourth ay aabante sa third place playoff. Ang matatalo sa finals at ang mananalo sa playoff ay maghaharap sa repechage.
Ang koponan na maghahari sa Group C at ang magwawagi sa repechage ay uusad sa final round ng World Cup sa 2024 sa Italy.
Sisikapin ng Blu Girls na makabawi sa pagsagupa sa Japan Linggo ng gabi.
Ang mga Pinay ay nag-qualify sa World Cup makaraang makapasok sa top four sa Women’s Softball Asia Cup.
-CLYDE MARIANO