UMALIS kamakalawa ang Philippine women’s softball team patungong Georgia para sumabak sa Women’s Softball World Championship na gagawin sa Atlanta.
Makikipagsabayan ang Blu Girls sa mga bigating katunggali mula sa 15 bansa, kasama ang host United States, Mexico, Venezuela, Argentina, Netherlands at Japan.
“Our campaign in this tournament is not an easy task. We are range against best softball teams in the world. We will be there fighting for flag and country,” sabi ni coach Randy Dizer, katuwang si assistant mentor Ana Santiago.
Ang koponan ay pinalakas ng Filipino-American players na ni-recruit sa iba’t ibang states sa US at suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez. Ang pagsabak sa torneo ay bilang paghahanda na rin sa 30th Southeast Asian Games kung saan defending champion ang Blu Girls.
Ang torneo ay magsisilbi ring qualifying sa 2020 Tokyo Olympics at may basbas ng US-based International Softball Association.
Nakapaglaro ang Filipinas sa Women’s Softball World Championship matapos na pumang-apat sa Asian Softball na ginanap sa Chinese-Taipei at napanalunan ng Japan kontra host team.
Ang kanilang fourth place finish ay dinuplika ng kanilang junior counterparts sa Asian Junior Women’s Softball Under-20 na napagwagian din ng Japan kontra Chinese-Taipei sa Clark Development Zone Authority sa Pampanga.
Kasama sa Fil-Ams sina Chelsea Suitos, Garie Blando, Sky Ellazar, Reese Guevara, Kayla Joyce, Hailey Decker, Kailee Guico at Dani Gilmore.
Dinomina ng Blu Girls ang softball mula nang isama ang sport sa SEA Games at kumpiyansa si Dizer na mapapanatili ng mga Pinay ang kanilang dominasyon. CLYDE MARIANO