BLU GIRLS MASUSUBUKAN

BLUE GIRLS

MASUSUKAT ang kahandaan ng mga Pinay sa Asian Games sa Indonesia sa pagsabak sa Women’s Softball World Championship sa Agosto 2-11 sa Chiba, Japan.

“The tournament will gauge how strong and competitive the team is against the world’s best softballers,” sabi ni ASAPHIL official Ismael ‘Jun’  Veloso sa eksklusi­bong panayam sa kanya matapos ang Asian Junior Women’s Softball na pinagwagian ng Japan.

Kilala sa tawag na Blu Girls, ang mga Pinay ay makikipagsabayan sa mga kalaban sa masusing gabay ni coach Randy Dizer, katuwang si multi-titled Ana Santiago.

Inamin ni Veloso, dating baseball player na naglaro para sa University of the Philippines sa UAAP, na mabigat ang pagdadaan ng mga Pinay dahil kalahok lahat ang mga magagaling na players sa mundo.

“It’s a tough tournament because the world’s top softball teams are competing. We will be there fighting for flag and country,” wika ni Veloso.

Ang Women’s Softball World Championship ay matatapos halos isang linggo bago ang pag-arangkada ng Asian Games sa Agosto 17 kung saan makakasagupa ng Filipinas ang Japan, China, Chinese Taipei, India, Thailand, South Korea, Malaysia at host Indonesia.

Labing anim na koponan, apat sa Asia, kasama ang Pinas, ang kalahok sa torneo na  magsisilbing qualifying sa 2020 Olympic Games na idaraos sa Tokyo, at may basbas ng International Softball Association.

Ang mga Pinay ay lumahok sa Asian Women’s Softball noong Nobyembre  29 hanggang Disyembre 8 sa Taichung, Chinese-Taipei. May 12 bansa ang sumabak sa torneo na may basbas ng Asian Softball Association at sinuportahan ng Philippine Sports Commission (PSC).

Ang koponan ay pinalakas ng walong Filipino-American players na kinabibila­ngan nina Chelsea Suitos, Sky Ellazar Blando, Reese Guevara, Kayla Joyce, Kailee Guico, Dani Gilmore at Hailey Decker.

Si Suitos, 25, ay anak ng isang Pinay na taga-Baguio at nag-aral sa University of California sa Los Angeles. CLYDE MARIANO

 

Comments are closed.