Mga laro sa Miyerkoles:
(Smart Araneta Coliseum)
10 a.m. – DLSU vs AdU (Men)
12 noon – UE vs FEU (Men)
2 p.m. – DLSU vs AdU (Women)
4 p.m. – UE vs FEU (Women)
SA ikalawang sunod na season ay bigong makapasok ang Ateneo sa UAAP women’s volleyball Final Four.
Ang tanging nais ng Blue Eagles ngayon ay ang matikas na pagtatapos at ang makagawa ng isang bagay para sa kampanya sa susunod na taon.
Nakaganti ang Ateneo laban sa opening day tormentor University of the East, 25-17, 23-25, 25-23, 25-16, upang putulin ang kanilang two-game skid sa UAAP women’s volleyball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena.
Nanguna si Lyann De Guzman para sa Blue Eagles na may 25 points sa 21 attacks at 3 blocks, na sinamahan ng 10 digs at 7 receptions.
“There’s no more chance to be in the top four but we need to fight for the best position,” wika ni first-year Ateneo coach Sergio Veloso.
Umangat ang fifth-running Blue Eagles sa 4-8, napantayan ang kanilang win total noong nakaraang season, may dalawang laro pa ang nalalabi.
Nasibak ang Ateneo sa Final Four chase makaraang maitakas ng Far Eastern University, na may 7-4 record sa fourth spot, ang 19-25, 25-19, 21-25, 25-20,15-10 panalo kontra league-leading University of Santo Tomas noong Sabado ng gabi.
Nagbuhos si rookie Casiey Dongallo, na nagbida sa four-set season-opening conquest ng Lady Warriors sa Blue Eagles na tumapos sa 14-match losing skid, ng 27 points, kabilang ang 4 blocks, 14 receptions at 8 digs.
Humataw si Zel Tsunashima ng 18 points, kabilang ang 3 blocks, para sa Blue Eagles habang gumawa sina Sobe Buena at AC Miner ng 13 at 12 points, ayon sa pagkakasunod.
“In-accept namin (na wala nang pag-asa sa Final Four) and sinabi ko sa kanila i-cherish na lang namin ‘yung moment na magkakasama kami and give ‘yung best namin for the Ateneo community,” sabi ni libero Roma Mae Doromal, na nagtala ng 23 receptions at 23 digs.
Pinangunahan ang rebuilding roster sa paglisan ng key players, kabilang sina Vanie Gandler at Faith Nisperos, na piniling maging pro, si Doromal ay determinadong tulungan ang Blue Eagles na makuha ang kanilang pinakamagandang posibleng pagtatapos ngayong season.
Nalasap ng UE ang ikatlong sunod na talo upang mahulog sa 2-9 overall sa seventh place. Kumana si Khy Cepada ng 9 kills, habang naitala ni Riza Nogales ang dalawa sa kanyang 7 points mula sa blocks para sa Lady Warriors.