BLUE TERNATEA O CLITORIA TERNATEA (Bulaklak na maaari ring kainin o gawing tea)

BLUE TERNATEA

ILANG araw na lang ay Araw na ng mga Puso o Valentine’s Day. Isa ito sa mahahalagang bagay na binibigyang halaga ng mga tao dahil sa ito ay araw ng mga pusong nagmamahalan.

Marami ang nag-aasam ng bulaklak, lalo na ang mga kababaihan na nagnanais na makatanggap nito. Sa ibang mag-partner o couple, hindi na raw uso ang selebrasyong ganito. Mas gusto ng iba na mag-celebrate kasama ang kanilang  buong pamilya  o magluto ng masarap na hapunan sa kanilang tahanan. May ilang katuwaan nga sa social media, ano daw ba ang gusto nilang matangggap ngayong Va­lentine’s Day, bulaklak ba o bigas? Ang sagot ng karamihan, bigas na lang dahil makakain pa raw ito.

Mas masarap kung may bulaklak ka na, may makakain pa tayong matatanggap mula sa kalalakihan. May ilang lugar dito sa atin na nakakita o nakaaalam na may isang klase ng bulaklak na nakakain din. Ito ay ang tinatawag na Clitoria Ternatea o Blue Ternatea. Mas kilala sa Asya na pigeon-wings, bluebellvine, blue pea at butterfly pea. Isa itong kulay asul na nag-aagaw violet ang kulay. Ang hugis nito ay clitoris. Sa ibang bansa, kilala ito bilang holy flower na ginagamit sa kanilang ritwal.

Ang Blue Ternatea ay natuklasan din ng mga Pinoy na puwedeng kainin. Puwede itong gawing salad o juice. Dahil sa kaakit-akit na kulay nito ay talagang maeengganyo kang ka­inin ito o kahiligan. Bagaman may ilang restaurant sa Filipinas ang nagse-serve ng Rose o Rosas bilang salad, mayroon din namang blue ternatea ang inihahain bilang appetizer o salad. Tulad ng isang restaurant sa San Pablo City, Laguna— ang Forest Wood Garden Farm na pagmamay-ari nina Joel at Myrna Frago. Dahil sa kanilang pagmamahal sa kalikasan, naghahain sila ng mga pagkain mula sa kanilang bakuran lamang matatagpuan. Mga alagang hayop na organic din kung karne naman ang iyong gustong putahe. Ang ilan sa mga inihahain nila ay ang kabute na ginawang embutido, root crops o lamang-lupa kung ito’y kanilang tawagin, baboy ramo na kanilang alaga at ang blue ternatea na ginawang salad.

Ang iba naman ay ginagawa itong tea o tsaa dahil sa maraming benepisyo. Ilan sa benepisyo nito ay nakapagpapalakas ng immune system, naka-pagpapapayat, nakapagpapatalas ng isip, mainam sa mata, nagta­taglay ng antioxidants at anti-aging. Mayroon din itong anti-inflammatory properties at nilalabanan nito ang stress, anxiety at depression. Nakapagpapababa rin ito ng lagnat at nakatutulong sa mga kalalakihang nanlalagas ang buhok.

Ginagawa rin itong pangkulay sa pagkain at make-up.

Ngunit mayroon din namang side effect ang Blue Ternatea. Kapag nasobrahan ay maaari itong maging dahilan ng pagtatae. Bawal din ito sa mga nanay na nagpapa-breastfeed.

BLUE TEA

Madali lamang gumawa ng Blue Tea. Ang mga sangkap na kakaila­nganin sa paggawa nito ay ang 1 tasa ng mainit na tubig at 1 maliit na kutsarita ng dahon ng blue tea o tuyong bulaklak.

Sa paggawa nito, ilagay lang ang mainit na tubig sa tasa o baso. Idagdag ang bulaklak. maghintay ng 15 minuto at kapag nakitang kulay asul na ang tubig, maaari na itong inumin.

BLUE TEA LEMONADE

Bukod sa Blue Tea, maaari rin itong ga­wing lemonade. Sa paggawa naman ng Blue Tea Le­monade ang mga kakailanganin naman ay ang 1 tasa ng mainit na tubig, 2-3 tsp. Blue ternatea flower, yelo, ½ lemon at honey o sugar.

Simple lang din ang paggawa nito, maglagay lang ng mainit na tubig sa baso o tasa. Takpan ito at iwanan sa loob ng 15 minuto. Kapag nagkulay asul na ito, ihalo na rito ang lemon juice saka lagyan ng yelo.

May mga bulaklak nga namang puwedeng-puwede rin nating mapakinabangan. Kagaya na nga lang ng Blue Ternatea na bukod sa puwedeng gawing salad ay swak na swak pang ga­wing tea at lemonade. CYRILL QUILO

Comments are closed.