BOARD PASSER, TINDERO NG SARILING FOODCART KIOSK

SA patuloy na pagluluwag ng Alert level status sa bansa, pagkakataon naman ito para sa mga maliliit nating negosyante na nagbubukas muli ng kanilang negosyo.

Gaya ng pagbubukas ng mga food park sa iba’t ibang komunidad na dina­dagsa ng marami. Dito rin nakakaisip ang ilan nating mga kababayan ng sari­ling konsepto ng kanilang ideal food cart business o kiosk na patok sa kanilang mga mamimili gaya ng nakilala ko sa lungsod ng Dasmariñas, Cavite.

Si kuya Jolas R. Pelias, 32-anyos, may-ari ng kanilang sariling konsepto na Fried Noodles food cart at iba pa, katuwang ang kanyang partner at kasaluku­yang naninirahan sa Mabuhay City Subdivision Brgy. Paliparan III, Dasmariñas City Cavite.

Si kuya Jolas ay nakapagtapos ng kolehiyo sa kursong Bachelor of Science in Social Work sa Philippine Christian University – Taft Campus, sa tulong na rin ng isang non-government organization sa kanilang lugar, ang Pa­ngarap Foundation Inc. At ito ay lubos niyang pinagpapasalamat sa Diyos, at bilang ganti, ibinabahagi rin niya ang blessings na mayroon siya para sa mga higit na nangangailangan.

Ang bidang entrepreneur natin ay isang certified Board Passer at kasalukuyang nagtatrabaho bilang Social Welfare Officer sa Makati Social Welfare Department.

Nagsimulang magtayo ng sariling negosyo ang magpartner noong Hunyo 8, 2021. At dahil sa pabago-bagong protocols para sa mga manggagawa, pini­li niyang mag-resign sa isang BPO job na kanyang pinagtatrabahuhan noon.

Isa rin sa nagtulak sa kanila para magnegosyo ay ang limitadong paglabas ng mga tao at kasabay nito ay ang patuloy na pag-usad ng virtual or online business (e-commerce).

Noong una, gusto lamang niyang kumita at makatulong sa mga gastusin nila sa araw-araw buhat ng siya ay mag-resigned. Aniya, hindi niya akalain na papatok sa kanilang mga customer ang kanilang sariling timpla ng Fried noodles, corndog at iba pa. Patok ang sarili nilang timpla at kakaiba nitong twist na may adobo meat, egg drop pinoy version at chili sauce na sila ang gumagawa.

Mabenta rin ang kanilang Korean corndog dahil sa combine sauce nito. Meron din silang meaty sandwich hotdog at footlong bacon pinoy version sauce at iba pang special sauces na swak sa inyong panlasa.

Ginamit ni kuya Jolas na panimulang puhunan ang nakuha nitong last pay na P10,000 sa pinagtatrabahuhang BPO. Dahil may kamahalan ang pamumuhunan sa Foodcart Franchise business. Sinubukan nilang gumawa ng sariling konsepto ng kanilang foodcart kiosk.

Nagtayo sila ng sari­ling kiosk sa harap mismo ng kanilang bahay kung saan dinadagsa ng mga kakilala, kapitbahay at mga napapadaan doon. Pinasok din nila ang online selling dahil mabilis din silang nakakakuha ng mga customer online.

“Sariling concept po ito. Na-inspire kami na magtinda ng aming mga product dahil gusto rin namin itong kinakain. At may impluwensya na rin ng contemporary music ng k-pop naisip namin na papatukin ito ng mga mahilig manood ng k-drama or music lovers at merienda lovers,” pahayag ni kuya Jolas.

Aniya, nais din nilang magbukas ng branch na malapit sa kanyang magulang sa Cavite.

Dahil sa maganda ang feedback ng kanilang mga customer, sumubok silang mangupahan sa isang food park sa loob ng kanilang subdivision para mas ma­kilala pa noong Nobyembre 8, 2021.Ngunit, hindi sila tumagal doon at mu­ling bumalik sa kanilang pwesto sa harap ng kanilang bahay dahil na rin sa pabago-bagong health protocols at Alert level status.

Malaki rin ang epekto sa kanilang negosyo ang pagtaas ng presyo ng bawat bilihin sa kasalukuyang lagay ng ating ekonomiya.

“Naapektuhan ang pres­yo ng aming paninda sa tuwing nagtataas ang mga bilihin lalo na ang  aming mga ginagamit mula sa lagayan, sauce at iba pa. Pero never kaming sumuko na ipagpatuloy ang negos­yo namin. Laban lang!” ani kuya Jolas.

Kaya naman, payo ni kuya Jolas, “Sa mga may nais na magnegosyo, mahalaga na isaalang-alang ang demand ng sitwasyon dahil sigurong magkakaroon ka ng target market. Pangalawa, huwag mag-focus sa dami ng maibebenta kundi sa quality nito para siguradong masarap ang bawat produkto. Pa­ngatlo, yung kahandaan na dumadaan lahat sa pagsubok na konti lang ang sales mo daily pero ‘wag sumuko dapat positive at mahalin mo ang egosyo na mayroon ka. Matutong makipag-usap sa mamimili dahil makakapag-establish ng relationship then later on magiging suki na. Ma­ging mapagpakumbaba, matutong makinig sa payo ng ibang nagnenegosyo at critics para mas mag-improve ang inyong pro­ducts at ang pamamalakad ng iyong tatahaking ne­gosyo.”

Patunay lamang si kuya Jolas na hindi basehan kung may titulo kang nakamit sa pag-aaral, bagkus kung paano ka kikilos para mas kumita kahit na may regular job ka pa at para sa ikagiginhawa ng pamumuhay dahil sa huli ikaw rin ang aani ng lahat ng iyong pagsusumikap sa buhay.    REX MOLINES