BOARDING HOUSE NASUNOG: 2 PATAY

ILOILO CITY- DALAWA katao ang namatay na kinabibilangan ng isang 26-anyos na call center agent at 21-anyos na college student sa naganap na sunog sa isang boarding house sa Barangay San Nicolas La Paz District sa lalawigang ito kamakalawa ng hapon.

Sa pahayag ng Bureau of Fire Protection-Iloilo City, ang mga nasawi ay nakilalang sina Lynrose Sobretodo, call center agent, taga-Pototan, Iloilo at ang college student na si Renz Aguilar ng Concepcion, Iloilo.

Batay sa inisyal na ulat ng BFP-Iloilo City, hindi nakaalis ang mga biktima sa ikatlong palapag ng boarding house.

Natutulog umano ang mga biktima nang magliyab ang lugar at hindi na nagawang makalabas dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy.

Tumagal ang sunog ng mahigit isang oras at nadiskubre ang kanilang mga labi sa clearing operations.

Ayon naman sa Iloilo City Disaster Risk Reduction and Management Office, tinupok ng apoy ang limang kabahayan habang napinsala naman ang dalawa pa.

Apektado sa sunog ang 150 indibidwal, karamihan ay boarders na nagrerenta ng kwarto malapit sa dalawang state universities at dalawang private colleges. EVELYN GARCIA