BOC AGENT ‘NAKAHON’ SA DROGA

SEN-GORDON-2

NADAGDAGAN pa ang hinala ng Senate Blue Ribbon Committee na nasa “sentro” ng talamak na drug smuggling sa bansa ang isang intelligence agent ng Bureau of Customs (BOC), batay sa naging resulta ng pagdinig kahapon.

Sa mga testimonya na hawak niya, sinabi ni Senate Blue Ribbon Committee chairman, Sen. Richard Gordon, na “alam” ni customs intel agent, Jimmy Guban, kung paano mabilis na mabubuksan ang mga dumating na ‘magnetic scrap lifter’ sa Manila International Container Port (MICP) noong Hulyo kung saan 355 kilos na may halagang higit P4 bilyon ang nakita ng mga awtoridad nang buksan ang mga ito noong Agosto 7 sa MICP.

May hawak pa ring mga testimonya ang mambabatas na nagsasabing alam din ni Guban kung paano mabubuksan ang mga katulad na magnetic scrap lifter na inabandona naman nang matagpuan ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP) at Bureau of Customs (BOC) sa isang ‘warehouse’ sa GMA, Cavite, pagkaraan ng dalawang araw.

Sa pagtaya ng PDEA, aabot sa isang toneladang shabu na may halagang higit P6.8 bilyon ang “nakalusot” sa insidenteng nabanggit.

Sa pagdinig kahapon, kitang-kita ang pagkagulat ni Guban nang sabihin ni Gordon na sa insidente sa MICP, ang testimonya ay galing sa kanyang tauhan na si Gorgonio Necessario, na nakatalaga sa Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at isa sa mga nakakita kung paano nadiskubre ang mga nakatagong shabu.

Pinansin pa ni Gordon ang mga biyahe sa labas ng bansa ni Guban, partikular na ang pagpunta nito sa Malaysia, ilang araw bago dumating sa bansa ang mga kargamento ng shabu.

Sa unang pagdinig noong Setyembre 11, nagdesisyon si Gordon na ipakulong si Guban dahil sa kasong ‘contempt’ at “pagsisinungaling” dahil sa umano’y “pag-iwas” nito na “maging totoo” sa pagsagot sa mga tanong ng mambabatas.

Kahapon, napasama naman sa mga detenido sa Senado si Marina dela Cruz Signapan, ang may-ari ng ‘SMYD Trading’ na siyang ‘consignee’ ng mga magnetic scrap lifter na natagpuan sa GMA, Cavite.

Ito’y matapos ipagpilitan ni Signapan na tumanggap siya ng P180,000 kay Joel Maritana, isang ‘welder’ at ‘scavenger’ mula sa Cavite na kasamahan ni Guban sa grupong ‘Guardians,’ upang umano’y “gamitin” ang SMYD Trading sa inangkat niyang mga ‘magnetic scrap lifter.’

Ayon kay Gordon, si Guban ang “nagmaniobra” upang gawing ‘fall guy’ si Maritana at “maligtas” naman sa ano mang kontrobersiya si Signapan at ang kompanya nito, bagay na inamin na rin ni Guban kahapon.

Depensa naman ni Guban, ang “utos” ay galing naman sa kanyang ‘handler’ na si S/Supt. Eduardo Acierto ng PNP na hindi na naman sumipot sa pagdinig dahil wala umano siyang imbitasyon, bagay na mariing itinanggi ni Gordon.

Sa kabila naman ng “pakiusap” ni Gordon, nanindigan si Signapan sa kanyang orihinal na testimonya, dahilan upang kasuhan din siya ng ‘contempt’ at pagsisinunga­ling.

Nagbanta naman si Gordon na ipaaaresto si Acierto sakaling hindi pa rin ito sumipot sa susunod na pagdinig.

Ayon pa kay Gordon, ipatatawag niya si DFA Secretary Alan Peter Cayetano upang himukin ito na maghain ng protesta sa China at hingin na rin ang tulong ng nasabing bansa hinggil sa pagkatao ng  ‘Chinese nationals’ na isinasangkot sa mga nangyayar-ing drug smuggling sa bansa.

“Mayroon sila (China) na ‘national ID system’ kaya kahit sa larawan, puwede nating malaman kung sino ang mga taong ito,” ani Gordon.

Aniya pa, “sinasamantala” ng mga ‘China-based drug syndicates’ ang sitwasyon kaya tuloy-tuloy pa rin ang insidente ng malawakang drug smuggling sa bansa.

Nagbanta rin si Gordon na nakahanda siyang ipakulong kahit ang mga opisyales ng PDEA at BOC sakaling mapansin niya na hindi rin nagsasabi ng totoo ang mga ito sa ginagawang imbestigasyon na itutuloy sa papasok na linggo.   PILIPINO Mirror Reportorial Team

2 thoughts on “BOC AGENT ‘NAKAHON’ SA DROGA”

  1. 139583 740798I discovered your blog internet site on google and appearance some of your early posts. Keep up the superb operate. I just extra the RSS feed to my MSN News Reader. Searching for forward to reading far more on your part later on! 113820

Comments are closed.