BOC BANTAY SARADO SA ARTA

BOC

MAHIGPIT na binabantayan ng mga tauhan ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang Bureau of Customs (BOC) sa layuning masugpo ang talamak na korupsiyon sa ahensiya.

Kamakalawa ay nagsagawa ng sorpresang pagbisita sa BOC si ARTA Director General Jeremiah Belgica, kasama ang kanyang deputy director na si General Ernesto Perez at iba pang mga opisyal.

Napag-alaman na inikot ni Belgica ang buong Customs at pinasok din nito ang Customs Care Center, ang bagong opisina kung saan nagsusumite ang mga  Customs broker ng kanilang mga entry.

Napag-alaman na nakipagkita rin si Belgica kay Customs Commissioner Leonardo Guerrero at sa iba pang opisyal ng ahensiya.

Sa kanyang mensahe, pinuri ni Belgica ang pagsisikap ng BOC na magpatupad ng mga reporma sa ahensiya. Pinapurihan din niya ang BOC sa paglikha ng CCC at sa pagiging isa sa mga unang ahensiya ng pamahalaan na nagsumite ng Citizen’s Charter Handbook.

Nangako naman si Guerrero kay Belgica na gagawin niya ang lahat para matigil ang korupsiyon sa ahensiya.

Pinasalamatan din niya si Belgica sa pagbisita sa ahensiya at sinabing kinikilala niya ang pagsisikap ng ARTA na labanan ang inter-agency red tape. FROILAN MORALLOS

Comments are closed.