INIUTOS kanina ni Senate Blue Ribbon Committee chairman, Sen. Richard Gordon, ang ‘detention’ at pagsibak sa trabaho ng isang kontrobersiyal na ‘intelligence agent’ ng Bureau of Customs (BOC), matapos mabistong hindi nagsasabi ng totoo hinggil sa kanyang papel sa talamak na smuggling ng ilegal na droga sa bansa.
Sa ginawang pagdinig ng komite, napalabas ni Gordon ang ginawang “maniobra” ni customs intelligence agent, Jimmy Guban, na gawing ‘fall guy’ ang isang ‘scavenger’ mula sa Bacoor, Cavite at “mailigtas” naman sa kaso ang may-ari ng isang ‘trading company’ na pinaniniwalaang nagparating ng may isang toneladang shabu na may halagang higit P6.8 bilyon noong nakaraang Hulyo.
Isa si Guban sa mga naimbitahan ng Senado sa ginawa nitong pagdinig sa talamak na ‘drug smuggling’ sa bansa kung saan higit 335 kilos ng shabu na may halagang higit P4 bilyon ang nakumpiska ng BOC at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong nakaraang Agosto 7 sa Manila International Container Port.
Ang mga shabu, na pinarating umano ng ‘Vecaba Trading,’ ay natagpuan sa isang kargamento ng mga ‘magnetic scrap lifter’ galing sa Malaysia.
Agosto 10 naman ay isang abandonadong warehouse sa GMA, Cavite ang sinalakay ng PDEA kung saan isang toneladang shabu na nagkakahalaga ng mahigit sa P6.8 bilyon at nakapangalan sa SMYD Trading ang pinaniniwalaan ng PDEA na nakalusot sa pagbabantay ng BOC.
Sa naging pagdinig, nagawang palabasin ni Gordon na si Guban ang “nagmaniobra” ng dalawang transaksiyon, batay sa testimonya ng mga testigo.
Sa testimonya ni Joel Maritana, isang ‘second year high school dropout’ at ‘scavenger’ mula sa Bacoor, Cavite, kilala niya si Guban bilang si “chairman” na umano’y nakakumbinsi sa kanya na lumagda sa isang ‘sworn affidavit’ kung saan pinalalabas na siya ang “may-ari” ng mga magnetic lifter na inilabas sa pantalan ng SMYD Trading.
Aniya, walang katotohanan ang kanyang naunang ‘affidavit’ na ginawa niya bilang “tulong” kay Guban at kay Marina dela Cruz Signapan, ang may-ari ng SMYD Trading na “kaibigan” naman ni Guban.
“Ang nangyari rito, kumuha ka ng isang inosente (Maritana) upang gawing ‘fall guy’ at iligtas naman itong si Signapan,” galit na salita ni Gordon kay Guban, na ayon sa ilang impormante ay “kasabwat” din sa mga ilegal na gawain ng isang kilalang smuggler sa Interline Baggage Release (IBR) sa NAIA.
Ayon naman kay BOC commissioner Isidro Lapeña, nagkaroon din ng pagtatangka na “baguhin” ang mga dokumento ng Vecaba Trading at mailipat ito sa SMYD Trading upang mapabilis ang paglabas sa Aduana subalit nadiskaril ang plano matapos mabuksan ang kargamento noong Agosto 7.
Bukod sa detensyon ni Guban, inatasan din ni Gordon si Lapeña at PDEA director general Aaron Aquino na madaliin ang imbestigasyon kay Guban upang masampahan ng kaukulang mga kaso. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.