BOC NAHIGITAN ANG APRIL COLLECTION TARGET

BOC

INIULAT ng Bureau of Customs (BOC) na nahigitan nito ang April collection target ng 3.3 percent o mas mataas ng P1.7 billion.

Sa preliminary report ng BOC–Financial Service, ang koleksiyon noong nakaraang buwan ay lumagpas sa target nito na P51.604 billion nang makakolekta sila ng P53.33 billion.

Ayon kay Commissioner Rey Leonardo Guerrero, ang surplus ay sanhi ng mga inisyatibo na maalis ang revenue leakages sa system nito,  gayundin ng pinaigting na revenue collection efforts.

“The Bureau was expected to collect PHP51.604 billion in April, but because of our stringent monitoring and continuing efforts to enhance our revenue collection capabilities, we were able to collect PHP53.33 billion which is higher than the target revenue,” wika ni Guerrero.

Idinagdag ng BOC chief na ang koleksiyon noong nakaraang buwan ay mas mataas ng 14 percent kumpara sa nakolekta sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

“In April 2018, we only collected PHP46.794 billion, but this year we exceeded our collection performance and even generated more than PHP1.726 billion surplus,” aniya.

Batay sa preliminary report, 12 sa 17 collection districts ay naka-hit ng kani-kanilang targets — Manila International Container Port (MICP), Port of Limay, Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Port of Cagayan de Oro, Port of Subic, Port of Cebu, Port of Davao, Port of San Fernando La Union, Port of Iloilo, Port of Tacloban, Port of Zamboanga at Port of Le­gaspi.

Ani Guerrero, ang humusay na revenue collection performance ng ahensiya ay resulta rin ng pinaigting na control measures laban sa undervaluation, misdeclaration, at iba pang uri ng technical smuggling.

“I have given all the district collectors a stern order to closely monitor all the transactions in their respective ports to ensure that the correct duties and taxes are being paid and that customs laws, rules and regulations are being followed,” dagdag pa ni Guerrero.                 PNA