BOC NAHIGITAN ANG REVENUE TARGET SA H1

NALAMPASAN ng Bureau of Customs (BOC) ang revenue collection target nito para sa  first half ng taon makaraang magtala ng surplus na mahigit P13 billion.

Sa latest data na inilabas nitong Lunes, ang BOC ay nakakolekta ng kabuuang P456.053 billion mula January hanggang June, mas mataas ng 3.03 percent sa target na P442.621 billion para sa unang anim na buwan ng taon.

Ang halaga ay nagposte rin ng surplus na P22.621 billion year-on-year, mula sa total midyear collection na P433.433 billion noong 2023.

Para sa June 2024, ang BOC ay nakakolekta ng P75.159 billion, nahigitan ang  monthly target ng 0.92 percent o PHP685 million, napanatili ang streak na anim na sunod na buwan na nalampasan ang revenue goals.

Ayon kay Commissioner Bienvenido Rubio, ang magandang revenue performance ay dahil sa sama-samang pagsisikap ng BOC personnel, pinalakas na valuation methods, isinasagawang digitization at modernization ng systems, at mahigpit na monitoring at pangongolekta ng deferred payments ng government importations.

“This achievement is a testament to the BOC’s commitment to efficient revenue collection and combating illicit trade activities. Our efforts not only strengthen fiscal stability but also support crucial national development initiatives, including infrastructure projects, education, healthcare, and national security enhancements,” aniya.

Ayon pa kay Rubio, ang karagdagang revenue na nakolekta at nakatulong upang makamit ng BOC ang target nito ay kinabibilangan ng P1.749 billion mula sa audit findings at voluntary disclosures, P88.118 million mula sa kinita sa public auction at iba’t ibang ports, at P5.706 billion mula sa Tax Expenditure Fund.

Ulat mula sa PNA