NAGPAKITANG-GILAS si Bureau of Customs Commissioner Bienvenido Rubio kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos nang mahigitan nito ang revenue collection target ng ahensiya matapos makapagtala ng P68.274 bilyon mula Enero hanggang Abril ngayong 2023 fiscal year, mas mataas ng 3.97% kung ikukumpara sa nakolektang P68.199 bilyon noong nakaraang taon.
Ikinagalak ito ni Finance Secretary Benjamin Diokno lalo na’t nakamit din ng BIR ang kanilang collection target sa kaparehong panahon ngayong taon na mas mataas pa kung ihahambing noong nakalipas na taon.
Ang BOC tax collections ay nakamit ng mga opisyal ng Aduana dahil sa ipinamalas na magandang tax collection performance ng mga ito, na itinuturing na pinakamataas sa tax rate records ng assessment at ito ay bunsod ng pinaigting na valuation improvement ng non-importation, ayon sa report sa DOF ng Customs Collection Monitoring Group sa ilalim ng Finance Service ng Department of Finance.
Sinabi ni Commissioner Rubio na umaasa siyang bago matapos ang taong kasalukuyan ay mas tataas pa ang tax collections ng BOC at gaya ng kanyang pangako kay Presidente Marcos ay pagsusumikapan niyang makuha o mahigitan pa ang iniatang sa kanilang tax collection goal ngayong fiscal year.
Sa BIR, hinimok ni Commissioner Lumagui ang mga bagong Certified Public Accountant (CPA) at lawyers na mag-apply o pumasok sa Rentas para magsilbi sa bayan at higit na mapatatag at mapalakas ang tax collections ng kawanihan.
Anya, welcome sa BIR ang mga bagong CPA/lawyer.
Noong nakaraang linggo ay inihayag ni Lumagui na umaabot sa kabuuang 28 ang bilang ng mga tiwaling empleyado na sinibak sa puwesto, sinuspinde at naparusahan, ngunit hindi na pinangalanan ang mga ito.
Ayon sa BIR, ang naturang mga empleyado ay sinibak dahil sa grave misconduct, serious dishonesty, frequent unauthorized absences, falsification of official documents, gross neglect of duty, insubordination at absence without official leave.
Sa nasabing bilang, 26 ang dinismis habang dalawa ang sinuspinde.
“Keep in mind that you have no business working for the BIR if you fail to meet our standards for integrity and professionalism,” babala ni Commissioner Lumagui.
Gayunman, maituturing na maliit na bilang lamang ang nasibak sa pwesto dahil sa katiwalian.
Naninilawa ang BIR chief na mas maraming matitino sa kawanihan kung kaya mataas ang tax collections ng Rentas mula Enero hanggang Abril.
Kumpiyansa si Commissioner Lumagui na matutupad nila ang pangakong binitiwan kay Pangulong Marcos na malalampasan nila ang tax collection goal ng BIR bago matapos ang 2023.