(Body parts na ang nakukuha) SEARCH AND RESCUE SA MACO LANDSLIDE ITITIGIL NA

DAHIL patuloy na lumiliit ang tsansa na may makuha pang buhay sa ilalim ng mga rumaragasang bato at lupa na tumabon sa Barangay Masara sa Maco, Davao de Oro ay posibleng mag-shift na umano ang mga rescue team sa search and retrieval operation.

Ito ay matapos na may mga nahukay ng body parts sa ilalim ng guho na tumabon sa may limampung kabahayan at tatlong bus na may sakay na mga empleyado ng isang mining company nitong Pebrero 6.

Sa ginanap na pulong balitaan kahapon, inihayag ni Leah Añora ng Management of the Dead and the Missing (MDM) umakyat na sa 71 ang bilang ng nasawi hanggang kahapon ng alas-8 ng umaga.

Subalit, pinangangambahang patuloy pang lolobo ang nasabing bilang habang nagpapatuloy ang search rescue and retrieval operation na walong araw na ang nakalipas nang rumagasa ang tone-toneladang lupa mula sa itaas ng kabundukan malapit sa isang mining sites.

Sa nasabing pulong balitaan ay may 47 pa na missing individuals pero posibleng bumaba ito oras na maisapinal ng MDM ang kanilang report katuwang ang National Bureau of Investigation.

Kasalukuyang nang bineberipika ng Office of Civil defense ang operating arm ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang inilabas na bilang.

Nabatid na base unvalidated report ng NDRRMC ay may 55 ang kanilang naitalang reported dead habang nananatili sa 32 ang bilang ng sugatan.

Sa datos ng Maco LGU kahapon, ibinaba na sa 47 ang bilang ng mga nawawala, bagaman hindi pa malinaw kung bakit binago ang nasabing datos.

Kasunod ng naranasang sama ng panahon sa Mindanao, pinatitiyak ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Chairman at Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr., sa Office of the Civil Defense na makararating ang tulong sa mga apektadong komunidad.
VERLIN RUIZ

DAGDAG K-9 RESCUE DOGS IPINADALA SA DAVAO
NAGDEPLOY na ng tatlong karagdagang K-9 units ang Philippine Coast Guard (PCG) upang tumulong sa tuloy-tuloy na search and retrieval operations sa Ground Zero ng landslide sa bayan ng Maco, Davao de Oro.

Sa pahayag ng PCG – Coast Guard Southeastern Mindanao, sinabing dumating na sa lugar ang specially trained dogs at ang kanilang handler, kung saan nakatanggap sila ng basbas mula sa district chaplain na si Rev. Father Emmanuel Cabahug.

Katuwang ng karagdagang unit si Appa, ang nag-iisang rescue dog na nakatuklas sa tatlong taong gulang na survivor at bangkay ng apat na katao na nailibing ng buhay sa landslide sa Barangay Masara noong Pebrero 6.

Kasunod ng kanyang kontribusyon sa round-the-clock SAR operations, binigyan si Appa ng maikling pahinga kung saan siya ay in-assess ng provincial veterinarian at binigyan ng mga bitamina bago bumalik upang maghanap ng mga biktima.

Ilang K9 units ang idinagdag sa lugar kung saan isinasagawa ang SAR habang pinapayagn ang mga aso na magtrabaho ng palitan.

Nitong Lunes, umabot na sa 68 ang namatay sa landslide sa Maco habang ang operasyon ay hindi pa inilipat mula sa rescue tungo sa retrieval.

Ayon sa mga awtoridad, nahaharap sila sa mga hamon sa pagtukoy sa mga naagnas na katawan na kanilang narekober.

Sinabi ni Dr. Charino Labrador ng National Bureau of Investigation (NBI) -Southern Mindanao regional Office (NBI-SEMRO) na nakikilala ang facial identity ng mga biktima ngunit kalaunan ay hindi na ma-identify kaya naman ine-examine nila ang fingerprints, identification cards, alahas, deformities sa katawan o mga tattoos ng mga ito. PAUL ROLDAN