BODYGUARD NG POLITIKO NASAKOTE SA OPLAN SITA

baril at bala

LAGUNA – TIMBOG sa “Oplan Sita” ng mga kagawad ng San Pablo City-PNP ang 39-anyos na lalaki na nagpakilalang bodyguard umano ng isang politiko kasunod ang pagkakumpiska sa kalibre 45 baril na walang lisensiya sa bahagi ng Maharlika Hi-way, Brgy. San Ignacio, Lungsod ng San Pablo kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni PLt. Col. Eliseo Bernales, hepe ng pulisya, ang naarestong suspek na si Richiever Lerma Lapata, may asawa, ng Brgy. Silangan, Dolores, Quezon.

Sinasabing dakong alas-3:30 ng madaling araw batay sa ulat nang hindi inaasahang masakote ng mga tauhan ni Bernales ang suspek habang aktong papauwi na umano ito ng kanyang tirahan lulan sa kanyang minamanehong motorsiklo na Honda Click na walang plaka.

Bukod aniya rito, wala rin itong suot na helmet samantalang hindi inaasahang madiskubre ng pulisya ang naturang kalibre na baril habang nasa loob ng compartment kabilang ang dalawang magazine at mga bala.

Kaugnay nito, kusang loob umanong umamin kay Bernales ang suspek na kasalukuyang bodyguard ito ng isang hindi pa nakikilalang plpolitiko sa lalawigan ng Quezon kabilang ang kawalan ng kaukulang dokumento ng kanyang dalang baril at maging ang plaka ng minamaneho nitong motorsiklo na nahaharap sa paglabag sa RA-10054 at RA-10591.

Samantala, ipinatutupad na rin sa ipinalabas na direktiba ni Calabarzon-PNP Director PBGen. Vicente Danao Jr.  ang pansamantalang suspensiyon ng permit to carry firearms sa buong rehiyon kaugnay nang nalalapit na 30th Southeast Asian Games kung saan gaganapin ang ilan sa mahahalagang sports events sa malalaking lungsod na sakop ng Calabarzon. DICK GARAY

Comments are closed.