VERY proud parent itong si ex-PBA player William ‘Bogs’ Adornado dahil ang anak nitong dating player ng Ateneo Blue Eagle ay isa nang doktor.
Kasama si Josemarie ‘Joma’ Adornado sa 3,538 na pumasa mula sa 4,704 na kumuha ng Physician Licensure Examination nitong buwan ng Nobyembre. Hindi umano makapaniwala ang anak ni Bogs, na parang isang panaginip lang ang lahat.
Ang pangarap lang dati ni Joma ay ang maging basketball player at sumunod sa yapak ng kanyang ama, pero ang maging isang ganap na doctor ay isang mahalagang regalo na natanggap niya mula sa Maykapal. Daig pa umano niya ang nag-champiom sa basketball.
Dahil nais nga ni Joma na sundan ang yapak ng kanyang ama ay pumasok siya ng high school sa La Salle Greenhills. Pagkatapos ay nagkolehiyo siya sa Ateneo. Noong 3rd year college lang pumasok sa isip ng batang Adornado na mag-doctor. Dahil alam niyang mahihirapan siyang makaakyat sa team A ng Ateneo ay isinuko niya ang pangarap na makapaglaro sa UAAP. Pangarap din niyang maglaro sa PBA tulad ng kanyang ama.
Hindi man nagkaroon ng katuparan ang pangarap ni Doctor Joma Adornado na makapaglaro sa UAAP at PBA ay daig naman niya ang nakapag-uwi ng kampeonato sa kanyang pamilya. Congratulations!
o0o
Pinatawag ni PBA Commissioner Willie Marcial ang mga referee na pawang pumito sa Game 4 ng Ginebra at Meralco. Kitang-kita na na-hatak na ang jersey ni L.A Tenorio ng player ng Bolts pero hindi tumawag ang referee. Isang crucial call dapat ito. Posibleng masuspinde ang sinuman sa tatlong referee na dapat tumawag ng foul.
Sa nangyayari ngayon sa mga referee ng PBA na lagi na lang nagiging controversial, dapat gawin ng PBA bago magsimula ang tournament para sa 2020-2021 ay tumanggap ulit sila ng mga bagong referees na ise-seminar mabuti upang magkaroon ng kaalaman sa pagpito. Sabihin natin, tao lang at nagkakamali rin sila. Pero madalas na ang kanilang mga pagkakamali. Wake up!
o0o
Sino kaya itong rookie ng isang sikat na team na nais na nga bang kumawala sa kanyang koponan. Hindi kasi siya nagagamit ng kanyang coach. Buong akala ng player ay makapaglalaro na siya at mabibigyan ng break ni coach. Pero bangko pa rin ang mama, kaya kinausap nito ang kanyang agent na i-trade na siya sa ibang team na magagamit siya. May team na nagkakainteres sa kanya,. Sa team ng head coach niya sa col-legiate league.
Comments are closed.