BOGUS NA DENTAL TECHNICIAN KALABOSO

CAVITE – NAGWAKAS ang pagiging bogus na dentista na sinasabing nagsasagawa ng dental technology kahit walang special permit nang masakote ng mga awtoridad sa kanyang bahay sa Lumina Subd. Brgy. Bagtas sa bayan ng Tanza sa lalawigang ito nitong Linggo ng hapon.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 33 (a) ng RA 9484 (The Phil. Dental Act of 2007) ang akusadong si Connie Liza Initan ng B29 L26 Phase 2 ng nabanggit na lugar.

Sa police report mula sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, nakatanggap ng impormasyon ang CIDG Cavite PFU kaugnay sa illegal dental technology ng akusado kaya ito isinailalim sa surveillance.

Nang magpositibo ang impormasyon ay inilatag ang entrapment operation ng CIDG Cavite PFU, Maritime Cavite Station, PMFC Cavite at ang team ng Phil. Dental Association Cavite Chapter sa pangunguna ni Deputy Chairwoman Dr. Narisa H. Ragos.

Naaktuhan ang akusado sa illegal practicing dental technology na walang certificate of registration, walang professional Identification card at special permit mula sa kinauukulang ahensya ng gobyerno.

Kabilang sa mga gamit na nasamsam na gagamiting ebidensya sa pagsasampa ng kaukulang kaso ay ang 400 grams Alginate impression tray, set ng powder at liquid self-curing tray; rubber bowl, plastic spatula, unit ng low speed micromotor; 14 piraso ng acrylic trimmer at iba pa.

Kasalukuyang nasa CIDG Cavite PFU Office si Initan para sa documentation at proper disposition.
MHAR BASCO