TULOY na tuloy na ang inaabangang Philippine Travel Exchange (PhiTEx) 2020 sa Panglao, Bohol ngayong buwan. Ang PhiTEx ay itinuturing na pinakamalaking government-organized travel trade event sa bansa. Isa ito sa kinikilalang platform na naglalayong pagyamanin at patatagin ang imahe ng Filipinas, at para sa mga negosyo, makapag-promote ng mga tourism packages nila sa iba’t ibang mga bansa.
Matapos ang ilang buwan na pansamantalang natigil ang paglalakbay ng mga tao at nahinto ang mga negosyong turismo, ito na marahil ang pinakamainam na paraan para maipakita sa mga Filipino at sa buong mundo na handa na tayo sa ‘new normal’ at magkaroon ng ehemplo sa best practices.
Ngayong taon, 50 na sellers ng tourism services ang pupunta sa Bohol para ma-experience ang bagong ‘travel bubbles and corridors’. Ibig sabihin nito, bukas sa mga bisita ang isang lugar pero ilang safe areas lang ang maaaring puntahan at point-to-point lang ang travel sa piling mga establishment na nakasusunod sa public health standards.
Ang sellers na kasali ay magkakaroon ng pagkakataon na makita ang Chocolate Hills, Loboc River, maka-experience ng isang heritage at arts tour, nature and crafts tour at dolphin-watching, island-hopping at diving tour sa Balicasag.
Ang ibang participants naman ay virtual na makakasali sa trade event. Ang mga buyer mula sa iba’t ibang bansa ay magkakaroon din ng pagkakataon na makapag-tour sa susunod na taon o sa oras na ma-lift na ang travel restrictions o pagbubukas ng mga borders.
Nilinaw naman ni Bohol Governor Arthur Yap na mahigpit ang pagpapatupad ng quarantine measures sa probinsya nito. Sa katunayan, Bohol ang napiling venue para sa PhiTEx dahil umano sa ipinakita nitong epektibong pamamahala ng coronavirus pandemic. Ayon kay Governor Yap, malaking tulong ang Oplan Kalasag ni Dagohoy sa pagpapanatiling mababa ang COVID-19 positive cases sa probinsya. Sa programang ito, ang probinsya ay hiniwa-hiwalay sa 16 na security zones na istriktong mino-monitor ng pulis, coastal spotters at mga opisyal ng bawat LGU.
Nag-isyu rin umano ang Bohol provincial government ng 300,000 family-based contact tracing cards na puwedeng i-scan sa lahat ng establishments. Bukod dito, nagset-up din ng laboratories para sa PCR swab tests na kayang mag-release ng resulta sa loob ng isang araw.
Para sa mga bisita, mayroong mobile application na kinakailangan nilang i-download sa airport o kaya ay card na may QR code. Bukod sa contact tracing, magagamit din ang app na ito sa pamimili ng mga pagkain, gamit o souvenirs.
Sa pagho-host naman ng PhiTEx, nagtakda na ng health and safety protocols ang medical cluster ng Bohol Inter Agency Task Force (B-IATF) na gagamitin para sa event.
Lahat ng mga delegado na darating sa Bohol ay sasailalim sa five-day quarantine period at PCR test.
Sa aking palagay, ito ang maituturing na pinakamabisang programa para unti- unti ay mabuhay muli ang tourism industry na talaga namang pinadapa ng pandemya.
Ayon kay Tourism Promotions Board (TPB) chief operating officer Maria Anthonette Velasco-Allones, “It’s part of the government’s balancing act. Hindi naman pwedeng titigil din kami dahil may pandemic pa.”
Malaki na ang naging impact ng pandemya sa sektor ng turismo, halos 4.8 million na manggagawa na ang naapektuhan o nawalan ng trabaho, at bilyon-bilyong halaga na ang nawawala dahil sa shutdown ng mga negosyo at serbisyo.
Ang mga programang tulad nito ay makatutulong na maibalik muli ang sigla ng industriya, pagkakataon ito para masubok kung gaano epektibo ang mga sistema at protocols sa travel, accommodations at iba pang serbisyo, at pagbutihin ang mga ito.
Panalangin kong maging matagumpay ang PhiTEx hindi lang para sa gobyerno at sa mga participant ng event na ito, kundi para sa milyon-milyong mga Filipino na nasa tourism sector na lubos nang nangangailangan ng tulong at inspirasyon.
Comments are closed.