ISANG “Mission Impossible” na naging “Mission Accomplished.”
Ganito inilarawan ni House Appropriations Chairperson Rep. Karlo “Ang Probinsyano” Nograles kung papaano naisabatas sa pangunguna ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Bangsamoro Organic Law (BOL) at ang National ID Law – ang dalawang panukala na nilagdaan ng Pangulo sa isang seremonya sa Malacañang kahapon.
“Matindi ang pinagdaanan ng dalawang panukalang ito sa Kamara at Senado dahil na rin sa mga kaugnay na usapin hinggil dito. Ang National ID law, halimbawa, ay unang ipinanukala dalawang dekada na ang nakalipas ngunit hindi maipasa-pasa. Ang BOL naman ay naging paksa ng maiinit na debate sa loob ng ilang Kongreso,” ayon kay Nograles.
“Noon, puwede nating sabihin na ang pagsasabatas ng dalawang ito ay Mission Impossible,” ang paghahambing ng mambabatas sa tumabong pelikula ni Tom Cruise sa takilya.
“Ngunit nang buongbuo na ang mga itong sinuportahan ng Pangulo at sinertify as urgent, agad kumilos ang Kongreso. Kaya ang dating Mission Impossible ngayon ay naging Mission Accomplished na naging posible lamang dahil nasa likod ng Pangulo ang Lehislatura na palaging nakatukod sa kanyang legislative agenda,” paliwanag pa ng mambabatas mula Davao.
Ayon kay Nograles, ang pagsasabatas sa BOL at sa National ID law ay nagpapakita lamang sa hangarin ng Pangulo na “ipamayagpag ang kapayapaan at ang kaunlaran sa buong bansa, para sa kapwa niya probinsyano.”
“Ang Mindanao, higit sa lahat, ay kinakailangan ang BOL upang umiral ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon. Samantalang ang National ID Law naman ay ang siyang titiyak na ang mga transaksiyon ng mamamayan sa gobyerno ay magiging mas mabilis pa, lalong-lalo na ang mga serbisyong inaasam-asam sa mga probinsya.”
Si Nograles ay isa sa mga mambabatas na naimbitahan sa Malacañang kahapon upang saksihan ang pormal na pagsasapubliko ng Republic Act 11054, o ang Bangsamoro Organic Law, at saksihan ang seremonya sa paglalagda ng Pangulo sa Senate Bill Number 1738 at House Bill Number 6221, o higit na kilala bilang “An Act Establishing the Philippine Identification System.”
Ang BOL na nilagdaan ng pangulo noong ika-26 ng Hulyo ay maglilikha ng panibagong “Bangsamoro Autonomous Region” (BAR), na papalit sa kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao. Ang BAR ay pamumunuan ng isang chief minister at dalawang deputy minister, na ihahalal ng bubuuhing parliyamento sa rehiyon.
Ang National ID law naman ay isasakatuparan ang pamamahagi ng National ID card sa bawat Filipino. Ito ay machine-readable government card na kapapalooban ng mga mahahalagang datos hinggil sa cardholder at ang siyang tanging kakailanganin sa mga transaksiyon ng mamamayan sa mga tanggapan ng gobyerno at pribadong sektor. PILIPINO Mirror Reportorial Team