BOLA KONTRA DROGA PARA SA DRUG-FREE BULACAN, DRUG-FREE SHOWBIZ – BISE GOB. FERNANDO

Bise Gobernador Daniel Fernando 

LUNGSOD NG MALOLOS- “Ito po ay ating ambag sa hangarin ng ating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na bumuo ng isang bansang malaya sa droga, drug-free na Pilipinas. Kaya’t sisimulan na po natin ang pagtataguyod ng drug-free Bulacan. Bola Kontra Droga para sa isang drug-free Bulacan, drug-free showbiz.”

Ito ang pahayag ni Bise Gobernador Daniel R. Fernando  kaugnay ng “Bola Kontra Droga” Campus Tour/Bulacan Tour (Basketball Shoot-out with Celebrities) sa Audio-Visual Room ng gusali ng College of Information and Communication Technology, Bulacan State University (BulSU) sa lungsod na ito kamakailan.

Ipinaliwanag ni Fernando na hiningi niya ang suporta ng mga artista para sa kanyang kampanya laban sa ilegal na droga dahil sila ang nagsisilbing modelo at malaking impluwensiya sa mga kabataan at matutulungan din nila siya na mangampanya para sa isang drug-free na industriya ng showbiz.

“Dahil sa sunod-sunod na pagkakasangkot ng ating mga kasamahan sa industriya sa ile­gal na droga, kabilang na sa ating pangarap na magkaroon din tayo ng drug-free showbiz upang maging mabuting huwaran ang ating mga artista sa ating mga mamamayan lalo na po sa ating mga kabataan,” dagdag ni Fernando.

Samantala, sinabi ni Joross Gamboa, isa sa mga artistang manlalaro, na binigyan ni Fernando ng dahilan ang kanilang grupo, na magbigay inspirasyon at kaalaman sa mga kabataan sa masamang epekto ng ilegal na droga.

Bukod kay Gamboa, sinabi ng iba pang mga manlalaro ng Celebrity All-Star Team kabilang sina Derick Hubalde, Mark Herras, Jordan Herrera, Mansueto “Onyok” Velasco, Matt Evans, Marco Alcaraz, Joseph Bitangcol at JC Tiuseco na sang-ayon sila na magkaroon ng on-the-spot drug testing upang patunayan na wala silang ginagamit na ipinagbabawal na gamot.

Naglaro ang Celebrity All-Star laban sa BulSU Faculty Players sa Activity Center ng nasabing unibersidad at naging posible ang “Bola Kontra Droga” Campus Tour/Bulacan Tour (Basketball Shoot-out with Celebrities) na pinangunahan ni Fernando at ng Damayang Filipino sa suporta at kooperasyon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at BulSU.     ARIEL BORLONGAN

Comments are closed.