MAKALAGLAG-PUSO ang laro ng Phoenix Pulse Fuel Master laban sa Meralco Bolts. Grabe ang intensity ng laro. Kinailangan pang dumaan sa overtime period bago naiuwi ng kampo ni coach Louie Alas ang unang panalo, 93-92.
Si Calvin Abueva ang nagpanalo kung saan nakuha niya ang bola, may 4.1 ang nalalabi sa orasan para sa last buzzer ng over-time time. Buti na lang ay pumasok ang bola sa layup nito. Alanganin pa ang bola na parang ayaw pumasok. Unang nag-attempt si Justin Chua, ngunit ‘di ito pumasok kaya naman nagpilit ang mga player ni coach Norman Black na makipag-agawan upang ilusot ang overtime sa ikalawang pagkakataon.
Hindi na pumayag ang Fuel Master at tuluyang nasungkit ang unang panalo. Sa totoo lang ay hindi 100% ang laro ni Abueva, pero malaki ang tiwala ng coaching staff sa tubong-Pampanga kaya naman pinasok ito sa huling sandali ng laro. Pinatunayan naman ni Calvin na malaki ang maitutulong niya sa team kaya nang makakita ng pagkakataon ay ibinuslo ang bola para sa panalo ng kopo-nan.
Nagpakitang-gilas si rookie Robert Bolick, ang number 3 overall pick ng NorthPort Batang Pier. Nagwagi ang Batang Pier laban sa Blackwater Elite at isa siya sa mga nagpanalo sa laro, 117-91.
Si Bolick ay gumawa ng 26 points, 3 rebounds at 3 assists. Ayon kay coach Pido Jarencio, hinog na hinog na si Bolick. Napakasuwerte ng team na nakakuha sa kanya. Sabi nga ng San Beda player, magpapakamatay siya sa bawat laro ng team. Sabi naman ni coach Pido, “Kapag ‘di niya ginawa na magpakamatay sa laro, ako ang papatay sa kanya,” tawanan sa loob ng media room.
Inspired ang Cebuano player dahil todo-suporta ang kanyang nobyang volleyball player na si Aby Marano. Nasa likod ito ng bench ng NorthPort na nagtsi-cheer para sa kanyang boyfriend. Congrats, Bolick, keep it up.
Malayo na ang narating ng dating PSBA player na si Vic Manuel. Malaki na ang pangalan niya sa PBA sa kasalukuyan.
Katunayan, isa si Manuel sa bibigyan ng award ng grupo ng PBA Press Corps bilang MR. QUALITY MINUTE. Ito ang kauna-unahang award na matatanggap ng batang Guimba, Nueva Ecija. Bagama’t maraming pinagdaanan na pagsubok sa buhay, hindi sumuko si Vic, bagkus ay naging hamon pa sa kanya ang nangyari sa buhay niya. Ngayon ay maituturing na matagumpay na si Manuel sa buhay higit sa lahat sa kanyang basketball career. Naging player muna siya ng GlobalPort, then nalipat siya sa Meralco, pagkatapos nito ay sa Air21 Express. At ang huli ay sa Alaska Aces, at dito nagsimula ang magandang career ni Manuel sa tiwala na ibinigay ni coach Alex Compton at sa ilalim ng pagti-training ni ex-PBA player Danny Ildefonso.
Comments are closed.