Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
5:15 p.m. – NLEX vs Converge
7:15 p.m. – TNT vs San Miguel
SUMANDAL ang Meralco sa 20-point explosion ni Aaron Black upang matakasan ang Rain or Shine, 77-73, at putulin ang two-game skid sa PBA Philippine Cup kahapon sa Araneta Coliseum.
Nagpakawala si Black ng krusyal na triple, wala nang isang minuto ang nalalabi sa laro, upang bigyan ang Meralco ng 76-70 kalamangan. Isang foul kay Mark Borboran mula sa three-point area ang naghatid sa kanya sa stripe kung saan naipasok niya ang lahat ng tatlong charities. Gayunman, Isang split ni Bong Quinto ang nagselyo sa panalo ng Bolts.
Nagbuhos si Allein Maliksi ng 19 points, habang nagdagdag si Cliff Hodge ng 13 points at 8 rebounds para sa Bolts. Nag-ambag si Raymond Almazan ng 10 points at 15 rebounds.
Ang panalo, na nag-angat sa Bolts sa 4-3 record overall, ay pumutol sa kanilang two-game slide at nagbigay ng kaginhawaan kay head coach Norman Black, ang ama ni Aaron, na kasalukuyang nasa United States para bisitahin ang may sakit nitong ina.
Inialay ni Aaron ang laro sa kanyang lola, gayundin sa kanyang teammates, na, aniya, ay hindi nawalan ng tiwala sa kanya sa kabila ng kanyang scoreless outing sa 89-90 pagkatalo sa Blackwater noong nakaraang Huwebes.
“First of all, my grandmother? She’s sick right now that’s why my dad’s not here so that’s big for me,” sabi ng nakababatang Black, na nagpakawala ng apat na triples at nakalikom din ng 6 assists at 4 rebounds.
“Also my teammates? They encouraged me a lot after the last game. They knew I really struggled so sa practice sinasabihan nila ako, ‘Keep shooting, just keep working.’”
Sinabi ni Luigi Trillo, nagmando sa koponan kapalit nina Black at chief deputy Ronnie Magsanoc, na humahawak sa koponan ng bansa sa FIBA 3×3 Asia Cup, na susi sa kanilang panalo ang pananatiling positibo ng Meralco sa kanilang pakikibaka.
Ang pagkatalo ay ika-6 na sunod sa pitong laro ng Rain or Shine, na sumandal sa kanilang bench at veterans para burahin ang early 10-point deficit at gawing dikit ang laban na tinampukan ng 17 lead changes at 4 deadlocks.
Nanguna sina Gabe Norwood na may 13 points at Mike Nieto na may 12 para sa E-Painters.
Iskor:
Meralco (77) – Black 20, Maliksi 19, Hodge 13, Almazan 10, Newsome 7, Quinto 6, Pascual 2, Baclao 0, Jose, Pasaol 0, Hugnatan 0, Caram 0, Belo 0.
Rain or Shine (73) – Norwood 13, Nieto 12, Belga 11, Torres 8, Borboran 8, Caracut 7, Santillan 6, Nambatac 6, Demusis 2, Mamuyac 0, Clarito 0.
Quarters: 17-13, 35-38, 53-54, 77-73