BOLTS BUHAY PA, NAKAKAPIT SA NO. 8 SPOT

NAPAILALIM si Cliff Hodge ng Meralco nang makipag-unahan sa pagkuha ng bola kay Jason Perkins ng Phoenix sa kanilang laro sa PBA Philippine Cup kahapon sa Araneta Coliseum. Kuha ni RUDY ESPERAS

Mga laro ngayon:
(Caloocan Sports Complex)

3 p.m. – Blackwater vs NorthPort

(Aquilino Pimentel Jr International Convention Center)

6:15 p.m. – Converge vs Ginebra

PINUTOL ng Meralco ang two-game losing skid kasunod ng 82-76 panalo laban sa Phoenix sa PBA Philippine Cup kahapon sa  Smart-Araneta Coliseum.

Naitala ng Bolts ang ika-4 na panalo sa siyam na laro, at bumawi mula sa embarrassing loss sa Converge na unang panalo ng FiberXers sa buong conference.

Balik ang Meralco sa playoff race, salamat kina Aaron Black, Chris Newsome, Chris Banchero, at Allein Maliksi na nagprodyus ng mga puntos sa krusyal na sandali.

Sa panalo ay nanatili ang Bolts sa ika-8 puwesto subalit kinailangan nila itong pagtrabahuhan.

“That team has no quit in them,” wika ni Meralco coach Luigi Trillo, patungkol sa Phoenix. “Every game is important. We know both teams, our backs are against the wall. Something’s gonna give. You lose one, you are probably out already. It’s hard to knock out a team like Phoenix.”

Tumapos si Black na may 18 points, kabilang ang walo sa third quarter na nagbigay sa Meralco ng 60-53 kalamangan makaraang maghabol sa 34-38 sa half.

Nagdagdag si Newsome ng  15 points subalit tinapos ang laro na iika-ika makaraang makabangga si Javee Mocon sa huling bahagi ng laro.

Tumipa si Banchero ng 14 points, habang nagdagdag si Maliksi ng 13 points makaraang mabokya kontra Converge.

Nahulog ang Phoenix sa 3-7 at nanganganib ngayon na makapasok sa playoffs matapos ang semifinal finish sa Commissioner’s Cup.

CLYDE MARIANO

Iskor:

Meralco (82) – Black 18, Newsome 15, Banchero 14, Maliksi 13, Hodge 6, Caram 6, Bates 4, Quinto 3, Almazan 3, Pasaol 0, Torres 0, Pascual 0.

Phoenix (76) – Tuffin 14, Salado 12, Jazul 9, Rivero 9, Mocon 7, Garcia 6, Perkins 5, Muyang 4, Verano 4, Soyud 3, Alejandro 3, Lalata 0, Daves 0, Camacho 0.

QS: 24-21; 34-38; 60-53; 82-76.