Mga laro ngayon:
(Ninoy Aquino Stadium)
5 p.m. – NorthPort vs Converge
7:30 p.m. – TNT vs Magnolia
NALUSUTAN ng Meralco ang pagkawala ng ilang key players upang pataubin ang Terrafirma, 107-91, sa PBA Governors’ Cup kagabi sa Ninoy Aquino Stadium.
Bagama’t malayo pa sa kanyang tunay na porma, umiskor pa rin si Allen Durham ng 23 points at kumalawit ng 12 rebounds habang nakipagtuwang kay Bong Quinto para sa krusyal na 17-2 run na nagpalobo sa 90-84 lead sa 107-86 kalamangan, may 1:24 na lamang sa orasan.
Gumanap din sina veteran Chris Banchero (17 points) at rookie CJ Cansino (career-high 16) ng malaking papel para sa Meralco, na umangat sa 2-1 sa Group A sa kabila ng pagliban nina injured Raymond Almazan, Chris Newsome at Toto Jose, gayundin ni Aaron Black na nakatakdang sumailalim sa surgery.
Maging si active consultant Nenad Vucinic ay lumiban dahil sa stomach flu habang binalewala ni Quinto ang left leg contusion makaraang madulas sa wet spot sa sahig sa kaagahan ng fourth period.
Tinampukan ni Cansino ang kanyang breakout performance ng kanyang ika-4 na tres sa laro mula sa left corner makaraang magbanta ang Terrafirma, na naghabol ng hanggang 59-77 sa third period, sa 73-83.
Isang basket ni Durham ang naglagay sa talaan sa 88-76 bago pinakawalan ni Quinto ang huling tres sa kanyang apat na triples sa naturang run na dumating makaraang muling magbanta ang Dyip sa 84-90.
“Kailangan next man up lang and we have the guys,” wika ni Meralco head coach Luigi Trillo.
Ang pagkatalo ay ikatlong sunod ng Terrafirma sa Group A sa kabila ng 19 points ni Stanley Pringle at nagtala rin si rookie Paolo Hernandez ng career-best na 15 points, tampok ang 4-of-6 three-point shooting.
Nalimitahan si Juami Tiongson sa siyam na puntos lamang habang nagposte si Christian Standhardinger ng parehong puntos at 2 boards.
Sa posibleng huling laro niya para sa Dyip, nagtala si Antonio Hester ng 18 points at 8 rebounds.
Batay sa report, si Brandon Lee Edwards, na na-injure ang tuhod bago magsimula ang season noong nakaraang Aug. 18, ay maaari nang maglaro para sa Terrafirma sa susunod na game nito kontra Magnolia sa Linggo. CLYDE MARIANO
Iskor:
MERALCO (107) – Durham 23, Quinto 22, Bancgero 17, Cansino 16, Maliksi 12, Mendoza 5, Hodge 4, Caram 4, Torres 2, Pascual 2, Bates 0, Pasaol 0, Rios 0.
TERRAFIRMA (91) – Pringle 19, Hester 18, Hernandez 15, Tiongson 9, Standhardinger 9, Sangalang 7, Carino 7, Carino 4, Ferrer 4, Cahilig 3, Hanapi 3, Olivario 0.
QUARTERS: 31-19, 56-43, 79-67, 107-91