BOLTS KINORYENTE ANG FUEL MASTERS

Mga laro ngayon:
(Ynares Center – Antipolo)
5 p.m. – NLEX vs Blackwater
7:30 p.m. – Terrafirma vs NorthPort

NALUSUTAN ng Meralco ang mainit na first half ng Phoenix upang itakas ang 111-109 panalo sa PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Ninoy Aquino Stadium.

Isinalpak ni Akil Mitchell ang isang floater sa huling 1.3 segundo na naging game-winner, upang tampukan ang paghabol ng Bolts mula sa hanggang 23-point deficit tungo sa kanilang opening win sa mid-season tourney.

May pagkakataon ang Phoenix na tumabla, subalit sumablay si Jason Perkins sa minadalinh tira bago ang final buzzer, upang makumpleto ang pagkulapso ng Fuel Masters makaraang makolekta ang season-high 73 points sa unang 24 minuto ng laro.

Nagawang magwagi ng Meralco sa kabila ng hindi paglalaro ng ilang key players, sa pangunguna nina Allein Maliksi, Chris Banchero at Brandon Bates.

“We know we had some guys down. Give these guys credit,” sabi ni coach Luigi Trillo, partikular na tinukoy si Aaron Black na naglaro na rin sa wakas matapos ang knee injury na nag-sideline sa kanya ng dalawang laro sa nakalipas na Governors’ Cup.

“Aaron was not supposed to be getting these many minutes… nice to see him back,” ani Trillo patungkol kay Black, na tumapos na may 15 points, 8 rebounds at 5 assists sa wala pang 29 minutong paglalaro.

“I just credit the guys for finding me today. I had some easy shots off of good passes from my teammates,” wika ni Black.

“Just happy to be back. It’s been a long way to get here. I think it’s been three or four months so I’m glad to be back on the basketball court and help my team win.”

Nakalikom si Mitchell ng 27 points,13 rebounds at 6 steals sa kanyang league debut na tinampukan ng pitong turnovers.

Gumanap din ng major roles sa paghabol ng Bolts mula sa hanggang 48-71 deficit sina Chris Newsome at Bong Quinto. Tumapos si Newsome na may 23 points at 6 assists habang nagdagdag si Quinto ng 14 points.

Sina Quinto at Newsome ay may tig-4 points sa 8-0 run na nagbigay sa Meralco ng 109-105, kalamangan bago naitabla nina Tyler Tio at Donovan Smith ang iskor sa 109-all.
CLYDE MARIANO

Iskor:
MERALCO (111) – Mitchell 27, Newsome 23, Black 15, Quinto 14, Caram 10, Rios 8, Hodge 7, Jose 5, Almazan 2, Pasaol 0.

PHOENIX (109) – Smith 33, Ballungay 18, Tio 17, Rivero 14, Alejandro 6, Perkins 6, Jazul 6, Manganti 4, Tuffin 3, Verano 2, Ular 0.

QUARTERS: 25-36, 54-73, 78-91, 111-109