SISIKAPIN ng Converge, sa pangunguna ni Justin Arana, na maitala ang kanilang unang panalo sa pagsagupa sa Meralco. PBA PHOTO
Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
3:00 p.m. – Meralco vs Converge
6:15 p.m. – San Miguel vs NorthPort
MATAPOS ang mahabang pahinga, magbabalik sa aksiyon ang Meralco upang palakasin ang kanilang playoffs campaign sa PBA Philippine Cup, sa pagharap sa wala pang panalong Converge ngayong Linggo sa Philsports Arena.
Magsasalpukan ang Bolts at FiberXers sa alas-3 ng hapon para sa kanilang unang laro sa loob ng dalawang linggo o matapos ang 92-90 heartbreaker ng Meralco laban sa TNT Tropang Giga noong nakaraang April 7.
Ang pagkatalo ay naghulog sa koponan sa ninth place sa 3-4 record, dalawang laro sa likod ng eighth-running Terrafirma Dyip (4-5).
Tanging ang top eight teams ang uusad sa playoffs na magsisimula sa ikalawang linggo ng Mayo.
Sibak na ang FiberXers sa kontensiyon para sa isang quarterfinals berth makaraang malasap ang 112-103 blowout laban sa leader San Miguel Beer noong Biyernes.
Subalit nananatiling mapanganib ang koponan na may kakayahang makasilat sa pagtatangka nitong maiposte ang kanilang kauna-unahang panalo sa conference makaraang matalo sa lahat ng kanilang huling walong laro.
Samantala, sisikapin ng Beermen na mahila ang kanilang unbeaten record sa 6:15 p.m. main game kontra NorthPort Batang Pier.
Sa likod nina June Mar Fajardo, CJ Perez, at ng iba pa sa kanilang stellar cast, ang San Miguel ay nananatiling walang dungis sa 6-0 record.
Ang panalo laban sa Converge noong Biyernes ay nagbigay sa koponan ng unang playoffs berth, at ang layunin nito ngayon ay ang makuha ang isa sa top two berths sa pagtatapos ng eliminations na may twice-to-beat advantage sa susunod na round.
Kabaligtaran naman ito ng NorthPort.
Matapos ang mainit na simula, ang Batang Pier ay biglang nanlamig at natalo sa kanilang huling tatlong laro para sa 4-4 record upang bumagsak sa seventh place mula sa dating No. 2.
Masamang balita rin para sa NorthPort ang ACL injury na tinamo ni rising sophomore JM Calma sa kanilang laro kontra Barangay Ginebra noong nakaraang linggo. Ang big man mula sa San Sebastian ay inaasahang hindi makapaglalaro sa loob ng 10-12 buwan.
CLYDE MARIANO