BOLTS RUMESBAK, ABANTE SA 2-1

BUTATA si CJ Perez ng San Miguel laban kay Raymund Almazan ng ­Meralco sa Game 3 ng PBA Philippine Cup finals kagabj sa Araneta ­Coliseum. Kuha ni RUDY ESPERAS

Laro sa Miyerkoles:
(Araneta Coliseum)

7:30 p.m. – San Miguel vs Meralco

(Game 4, best-of-7 final series

NABAWI ng Meralco ang bentahe sa PBA Philippine Cup finals makaraang maitakas ang 93-89 panalo laban sa San Miguel sa Game 3 kagabi sa Araneta Coliseum.

Naging bayani si Chris Newsome sa panalo ng Bolts sa kanyang clutch hits, at tumapos na may 26 points, 4 rebounds, 4 assists, at 2 blocks.

Abante ang Beermen sa 89-88, may isang minuto ang nalalabi, bago bumanat si Newsome ng personal 5-0 run mula sa isang triple at pares ng free throws upang tulungan ang Meralco na lumapit ng dalawang panalo sa kanilang kauna-unahang PBA championship.

Nag-ambag si Raymond Almazan ng 17 points, 13 rebounds, at 3 blocks, habang nagtala si Bong Quinto ng 16 points at 6 rebounds para sa Bolts.

Nanguna si Mo Tautuaa para sa Beermen na may 19 points at nagdagdag si CJ Perez ng 18 points, sa kabila ng masamang 6-of-19 clip mula sa field.

Ang Meralco ay galing sa 94-95 defeat sa Game 2 kung saan naagaw ng San Miguel ang panalo sa triple ni Marcio Lassiter triple sa dying seconds.                    

CLYDE MARIANO