BOLTS SA KRUSYAL NA LARO VS HOTSHOTS

Chris Newsome. PBA Photo

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)

3 p.m. –  Meralco vs Magnolia

6:15 – San Miguel vs NLEX

ISANG game time decision si Chris Newsome para sa  Meralco sa pagsagupa nito sa Magnolia sa krusyal na laro sa PBA Philippine Cup ngayong Linggo sa Philsports Arena.

Nasaktan ang tuhod ni Newsome nang makabangga si Javee Mocon sa huling 17 segundo ng 82-76 panalo ng Bolts laban sa Phoenix noong Biyernes ng gabi at kinailangang buhatin ng kanyang teammates patungo sa bench ng Meralco.

Sinabi ni coach Luigi Trillo na agad na isinailalim ang Gilas Pilipinas stalwart sa MRI, kung saan ang resulta ang makapagsasabi kung makapaglalaro ang best player ng Meralco kontra Hotshots sa kanilang  3:00 p.m. encounter.

“We have to have it checked first, but obviously he limped out. Hopefully it’s nothing serious, but he said he felt something,” wika ni Trillo.

Ang 33-year-old Fil-Am ay tumapos na may 15 points, 6 rebounds, at 3 assists sa ika-4 na panalo ng Bolts sa siyam na laro. Si Newsome ay may 9 points sa third quarter nang makipagtuwang siya kay Aaron Black upang tulungan ang Meralco na ma-outscore ang Phoenix, 26-15, upang agawin ang kalamangan papasok sa fourth period, 60-53.

Para sa conference, si Newsome ay may average na16.0 points, 6.6 rebounds, at 4.5 assists.

“`New’ brings a lot to the table. Hopefully, he’s OK,” ani Trillo. “Hopefully, even if wala si ‘New,’ we have every other guys here to step up to the plate. But I hope there’s nothing serious kay ‘New.’”

Kailangan ng Bolts ng lahat ng tulong laban sa Magnolia side na gumawa ng winning run makaraang matalo sa dalawa sa unang tatlong laro nito upang magkaroon ng tsansa na tumapos sa Top 2 na may twice-to-beat advantage sa playoffs.

Ang Meralco ay nahaharap din sa isang must-win situation sa pagtatangkang manatili sa no. 8 spot sa tight race para sa nalalabing quarterfinal berths.

Sa ikalawang laro sa alas-6:15 ng gabi ay magsasalpukan ang league-leading San Miguel at NLEX.

CLYDE MARIANO