Mga laro ngayon:
Smart Araneta Coliseum
3 p.m. – Blackwater vs Alaska
6 p.m. – Meralco vs TNT
SASANDAL ang Meralco sa momentum ng matikas na debut kontra Blackwater habang umaasa ang TNT na masundan ang huling panalo sa rematch ng kanilang 2019 PBA Governors’ Cup semifinal faceoff ngayong Miyerkoles sa Big Dome.
Kinailangan noon ng Bolts ng ‘full route’ para malusutan ang Tropang Giga sa kanilang best-of-five showdown.
Ang dalawang koponan ay may bago ngayong reinforcements, ngunit inaasahan pa rin ang mainit nilang bakbakan sa alas-6 ng gabi.
Target ng Bolts at ni Panamanian import Tony Bishop na masundan ang kanilang 98-77 panalo kontra Bossing habang sisikapin ni McKenzie Moore at ng Tropang Giga na maitala ang ikalawang sunod na panalo makaraang matalo sa kanilang debut laban sa NLEX Road Warriors.
Ito ang huling laro para sa taon ng Meralco, at nais itong tuldukan ng Bolts sa pamamagitan ng panalo.
Umaasa naman ang Tropang Giga na magkaroon ng momentum para sa kanilang huling laro sa 2021 laban sa Rain or Shine Elasto Painters sa Dec. 26.
Nakalikom si Bishop ng 28 points, 13 rebounds, 3 blocks at 2 assists nang pulbusin ng Bolts ang Bossing noong Huwebes.
“He can shoot from the perimeter and get points inside and more importantly, he rebounded the basketball and blocked some shots defensively,” pahayag ni Meralco coach Norman Black sa ipinamalas ni Bishop sa kanyang debut sa Bolts.
“He has a lot of versatility in his game, an all-around player. I don’t think he’s the give-him-the-ball, get-out-of-the-way type of player but he fits well with what we do in terms of ball movement and player movement,” dagdag ni Black.
Umaasa naman si TNT coach Chot Reyes na malusutan ang Bolts habang tinatangkang maibalik ang kanilang porma mula sa pagbabakasyon.
“We really expected to struggle in our first few games because we haven’t played any tune-up or practice game with Mac (Moore), Gab (Banal) and the new guys (prior to the tournament debut),” ani Reyes. “We have to be patient.”
Tunay silang nagkumahog sa 102-100 loss sa NLEX at maging sa 81-77 panalo kontra Alaska Milk Aces.
“Tyinaga-tiyaga lang namin, and we just found ways. Jayson (Castro) took over. Mac had difficulty scoring, Mikey (Williams) couldn’t make shots and so Jayson had to take over,” sabi ni Reyes.
Naitala ni Castro ang lahat ng kanyang 20 points sa second half upang pangunahan ang mainit na paghahabol ng TNT mula sa 11 point-deficit tungo sa panalo.
Sa unang laro sa alas-3 ng hapon ay magpapambuno ang Alaska at ang wala pang panalong Blackwater. CLYDE MARIANO