Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
4:30 p.m. – Rain or Shine vs NorthPort
6:45 p.m. – Magnolia vs Terrafirma
NABIGO ang Meralco na mapangalagaan ang 18-point lead subalit nakuha ang kinakailangang breaks sa endgame upang maitakas ang 132-129 overtime win kontra Converge sa PBA Governors’ Cup nitong Biyernes sa Araneta Coliseum.
Bago tinawagan ng flagrant foul-2 pagkalipas ng ilang segundo, si Allein Maliksi ay nag-iwan ng marka sa laro sa pagsalpak ng isang tres na nagbigay sa Bolts ng 130-128 kalamangan papasok sa huling 34 segundo ng laro.
Matapos ang mintis ni Alec Stockton at nagtatangka ang Converge na pigilan ang orasan sa sumunod na play, nag-react si Maliksi sa hard foul ni Barkley Ebona sa pagsunggab sa leeg ng huli na nagbigay sa kanya ng F2 at automatic ejection.
Pinalitan ni Anjo Caram, ipinasok sa unang pagkakataon sa buong laro, si Maliksi at kalmadong isinalpak ang charities para sa four-point game, subalit may tsansa pa ang Converge na agawin ang panalo dahil ang ikinilos ni Maliksi ay nagbigay sa FiberXers ng dalawang charities at ball possession.
Gayunman ay na-split ni Jeron Teng ang free throws at naging opisyal ang ika-6 na panalo ng Meralco sa 10 laro nang ma-tip ni KJ McDaniels ang triple try ni Jerrick Balanza bago ang final buzzer.
Makaraang kunin ang fifth spot mula sa kanilang latest victim, inaabangan ngayon ng Bolts ang kanilang laro kontra Phoenix Super LPG sa Linggo upang malaman kung makakapasok pa sila sa top four na may twice-to-beat advantage sa quarterfinals.
“We have to win our last game against Phoenix to even be in the running for it, but at least we still have a chance,” sabi ni Meralco coach Norman Black.
Nanguna si McDaniels para sa Meralco na may 33 points at 12 rebounds habang nagposte si Aaron Black ng bagong career-high 28 points bukod sa 8 boards at 5 dimes sa pamumuno sa balanced attack na sumira rin sa explosive all-around show ni Converge import Jamaal Franklin.
Nagbuhos si Franklin ng 57 points, nakaangkla sa near-perfect 29-of-30 clip mula sa stripes, at nagdagdag din ng 14 rebounds at 11 assists para sa maaaring kauna-unahang 50-point triple double ng isang PBA import.
Nabalewala rin ang 24 points na kinamada ni Maverick Ahanmisi, gayundin ang unang laro sa loob ng walong taon ni two-time MVP Danny Ildefonso, na nagtala ng isang mintis at isang offensive rebound sa unang 4:17 minuto ng kanyang pagbabalik.
CLYDE MARIANO
Iskor:
Meralco (132) – McDaniels 33, Black 28, Hodge 18, Almazan 16, Quinto 12, Maliksi 12, Newsome 11, Caram 2, Banchero 0, Jose 0.
Converge (129) – Franklin 57, Ahanmisi 24, Racal 14, Stockton 9, Tratter 7, Balanza 6, Tolomia 5, Arana 4, Teng 3, Ildefonso 0, Ebona 0.
QS: 30-22, 62-55, 83-92, 121-121, 132-129.