NORTH Cotabato-ISANG tinaguriang bomb expert na sangkot sa serye ng mga pagpapasabog ang nadakip sa inilunsad na joint law enforcement operation ng militar at pulis sa Barangay Salat, President Roxas sa lalawigang ito kamakalawa ng madaling araw.
Ayon kay Maj. Gen. Roy Galido, Commander ng Joint Task Force Central, nadakip ng kanyang mga tauhan katuwang ang local police si Jordan Akmad, a.k.a. Jordan Kamad, kilalang improvised explosive device (IED) maker, bomber at kasapi ng Daulah Islamiyah-Hassan Group na sangkot sa extortion activities.
Si Akmad ay nadakip ng pinagsanib na puwersa ng 602nd Infantry Brigade sa pamumuno ni Col. Donald Gumiran at President Roxas Municipal Police Station; 90th at 72nd Infantry Battalions, 1st Scout Ranger Battalion, at military intelligence units.
Nabatid na may standing warrant of arrest sa kasong Murder at Multiple Frustrated Murder ang nadakip na terrorist na sinasabing sangkot sa pambobomba sa bus terminals sa Davao City at Kabacan, Cotabato.
Kasamahan din si Ali Akbar, leader ng Al Khobar Group na nauna nang nadakip noong Hunyo 2021 sa bisa ng inilabas na warrant of arrest.
Si Akbar ay siyang utak sa naganap na YBL bus bombing sa Tulunan, North Cotabato noong Enero 2021 at pagsunog sa YBL bus sa M’Lang, North Cotabato noong Hunyo ng nasabing taon na ikinamatay ng apat katao.
Pansamantalang nakakulong ngayon si Akmad sa President Roxas MPS para sa paghahain ng kaukulang kaso. VERLIN RUIZ